Calendar
Si Jesus ang mabuting puno ng ubas na nangangalaga sa kaniyang mga bunga kaya dapat tayong manatili sa kaniya (JUAN 15:1-8)
“Ako ang siyang puno ng ubas. Kayo ang mga sanga, ang namamalagi sa akin at ako sa kaniya. Siya ang namumunga nang sagana pagkat ang hihiwalay sa akin ay hindi kayo makakagawa ng anoman”. (JUAN 15:5)
WINIKA ng ating Panginoon sa kaniyang pangangaral sa mga tao na “walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama. At gayundin naman, walang masamang punongkahoy na mamumunga ng mabuti”. (LUCAS 6:43)
Kung pagbabatayan naman ang sariling lengguwahe ng mga Pilipino. Nangangahulugan ito na walang puno ng mangga ang namumunga ng bayabas at walang puno ng bayabas ang namumunga ng manga (vice versa).
Kapag mabuti ang isang puno. Nakatitiyak tayo na magiging mabuti rin ang mga bunga nito sapagkat napaka-imposible na ang isang mabuting puno ay mamumunga ng masama. At ganoon sa isang masamang puno, napaka-imposibleng magmumula dito ang mabubuting bunga.
Ganito ang mensaheng ng Mabuting Balita (LUCAS 15:1-8) na naglalarawan kay Jesus sa kuwento ng “puno ng ubas at ang mga sanga”. Matapos niyang wikain na “siya ang totoong puno ng ubas at ang kaniyang Ama naman magsasaka. Habang pinuputol ng Ama ang bawat sangang hindi namumunga sa kaniya. (JUAN 15:1-2)
Bilang mabuti at totoong puno ng ubas, hinihikayat tayo ng Ebanghelyo na manatili tayo kay Jesus kung nais nating mamunga ng sagana bilang mga sanga. Ang ibig sabihin nito ay magiging sagana ang ating mga bunga hangga’t nananatili tayo sa piling ng ating Panginoong HesuKristo.
Katulad ng relasyon natin sa ating mga magulang, hangga’t nananatili tayo sa piling o poder ng ating mga magulang. Makaka-asa tayo na hindi tayo mapapariwala. Bagkos ay magagabayan pa nila tayo sa tamang landas, subalit sa oras na tayo ay lumayas sa poder nila duon na tayo nakakaranas ng samu’t-saring problema.
Kaya malinaw ang sinabi ni Jesus na “ang mamalagi sa akin at ako sa kaniya ang siyang nagbubunga nang sagana. Sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hihiwalay sa akin”. Ano sa palagay niyo ang kasasapitan ng mga taong hindi nananalig at nagtitiwala sa ating Panginoon?
Noong araw bago ako tinawag ng ating Panginoon para maglingkod sa kaniya, dahil sa tagumpay na tinatamasa ko sa buhay. Ang pakiramdam ko ay pangalawa lamang ang Diyos sa mga “priorities” ko. Nagsisimba lang ako kung kailangan dahil mas mahalaga sa akin ang mga material na bagay at kayamanan.
Ang pakiramdam ko, kaya kong mabuhay at makatayo sa sarili kong mga paa kahit hindi ako tulungan ng Diyos. Ayaw kong mamalagi sa kaniyang piling bagkos ay gusto kong humiwalay sa kaniya katulad ng ibinibigay na mensahe ng Pagbasa. Subalit ano ang nangyari sa akin? Bumagsak ako sa lupa at natuyot ang aking mga bunga.
Masyado akong bilib sa sarili kong kakayahayan at malaki ang paniniwala ko na makakapamunga ako gaya ng isang puno kahit hindi ako manatili sa ating Panginoon. Pero ang lahat ng ito’y isang napakalaking pagkakamali.
Ang dating paniniwala ko na sagana kong pamumuhay ay natuyo at unti-unting naubos ang masagana kong mga bunga katulad sa isang puno na hindi nagabayan at naalagaan. Nakaranas ako ng iba’t-ibang mga problem na halos parang gusto ko ng bumigay sa pamamagitan ng pagpapatiwakal.
Marahil ay ganito ang mensaheng ibinibigay sa atin ng Panginoong Jesus, ano ba sa palagay natin ang kahihinatnan ng ating buhay sakaling hindi tayo manatili sa piling, pangangalaga at kalinga ng ating Panginoon? Anong klase ng buhay ang naghihintay sa atin dahil sa kawalan natin ng tiwala at pananampalataya?
Kagaya ko, ang akala ko noon ay okey lang ang hindi masyadong mag-seryoso sa pananampalataya hangga’t tayo ay nagsisimba, nagdadasal at dumadalo sa iba’t-ibang religious occasions. Hindi pala ganoon yun, ang kailangan pala ay magkaroon tayo ng malalim na relasyon o ugnayan sa ating Panginoon.
Hindi pala bastante ang basta manampalataya lang. Sa halip mas napaka-halaga pala ang kumapit at manatili kay Jesus gaya ng sinasabi niya sa Pagbasa na kailangan nating mamalagi o manatili tayo sa puno ng ubas. Kung nais nating mamunga ng sagana ang ating pananampalataya.
Hindi tayo mananatili sa piling ng Panginoong Jesus dahil nais nating maging masagana ang pamumuhay natin sa pamamagitan ng mga material na bagay at kayamanan. Hindi sa mga bagay na nakikita ng ating mga mata tayo mananagana. Kundi sa ating spiritual life o bilang mga Kristiyano.
Ganito rin ang paniniwala ko noon kaya nagsisimba ako at nagdadasal. Subalit mali ang aking paniniwala. Ang relasyon natin kay Kristo ang totoong nagbibigay sa atin ng kasaganahan dahil sa kaniya natin tunay na matatagpuan ang katuturan at sigla ng buhay hindi sa pamamagitan ng mga kayamanan.
Wala tayo ngayon dito sa mundo kung wala ang Panginoong Diyos. Ito ang pakatandaan natin, sa sandalling maputol ang ating ugnayan sa Panginoon, asahan natin na para tayong saranggolang napatidan ng sinulid. Hindi natin alam kung saan dadamputin ang ating buhay.
Maaaring nasasabi lamang natin ngayon na hindi natin kailangang manatili sa piling ng Diyos. Subalit hanggang kailan? Sa oras na unti-unti ng matuyot ang ating mga bunga, doon natin maiisip si Jesus na isang mabuting puno. Sapagkat ang nananatili sa kaniya ay hindi kailanman mawawalan ng bunga.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon. Tulungan mo po kami na manatili sa inyo upang huwag po kaming maligaw ng landas. Sapagkat alam namin na hinding hindi mo pababayaan ang nananatili sa iyo bagkos ito’y mananagana dahil ikaw ang mabuting puno na nag-iingat sa kaniyang mga bunga.
AMEN