Teofimar Renacimiiento

Si Robredo, si Sison at ang mga komunista

284 Views

LAGANAP na ang isang ulat sa isang pahayagan na tagapayo ni Leni Robredo si Jose Ma. Sison, ang nagtatag (founder) ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Tinanggi ni Robredo ang nasabing ulat. Ayon kay Robredo, hindi daw siya nakikipag-usap kay Sison. Haka-haka lang daw ang kumakalat na ulat.

Tulad ni Robredo, tinanggi rin ni Sison na tagapayo siya ni Robredo.

Dagdag ni Sison, higit na katanggap-tanggap ang kandidatura ni Robredo kaysa kay Bongbong Marcos (BBM). Para kay Sison, babalik ang panahon ng “martial law” ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kapag nahalal si BBM bilang pangulo sa darating na halalan.

Kung totoo man o hindi ang nasabing ulat ay hindi paksa ng talakaying ito. Ang mahalagang usapan ay tungkol sa mga bagay-bagay na kapansin-pansin sa mga pangyayaring naging sanhi ng nasabing ulat, at sa pagtanggi dito nina Robredo at Sison.

Hindi dapat magulat ang mamamayan na itinanggi ni Robredo ang ulat na tagapayo niya si Sison.

Kilala si Sison bilang pinuno ng mga komunista sa Pilipinas. Kahit kasalukuyang nakatira sa Europa si Sison, siya pa rin ang nagpapatakbo sa CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng kanyang mga galamay sa ating bansa.

Alam ni Robredo na kapag hinayaan siyang isang sunud-sunuran lang ni Sison, kaagad siyang makikitang isang kakampi ng mga komunista. Sakaling mangyari iyon, walang mamamayang Pilipinong nagmamahal sa demokrasya ang boboto sa kanya.

Dahil kasalukuyang kandidato sa pagka-pangulo si Robredo, at dahil na rin na sabik na sabik si Robredo maging pangulo, ayaw niyang mawalan ng boto. Yan ang dahilan kung bakit hindi nakakagulat na tinanggihan ni Robredo ang ulat na tagapayo niya si Sison.

Boto, ambisyon at kapangyarihan para sa kanya ang tanging nasa isip ni Robredo.

Hindi rin nakakagulat na tinanggihan din ni Sison ang nasabing ulat. Alam ni Sison na kabuhayan niya at kinabukasan ng mga komunista sa bansa kasi ang nakataya.

Simula pa nung dekada 70, layunin na ng CPP-NPA-NDF ni Sison ang pabagsakin ang demokratikong pamahalaan ng Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng himagsikang gagamit ng karahasan at armas. Nabigo ang layunin ng mga komunista nung Setyembre 1972 nang inilagay ni Pangulong Marcos ang buong Pilipinas sa ilalim ng “martial law.”

Dahil sa martial law, humina ang CPP-NPA-NDF. Sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, lalong humina pa ang CPP-NPA-NDF.

Samakatuwid, alam ni Sison na bilang na ang mga araw ng CPP-NPA-NDF, at maaring tuluyan na mawalan ng saysay ang mga komunista sa Pilipinas kapag ang pangulong papalit kay Duterte ay marunong gumamit ng kapangyarihan upang lipulin ang CPP-NPA-NDF.

Kung si BBM ang magiging pangulo, natitiyak ni Sison na mabubura sa lipunan ang CPP-NPA-NDF sa loob ng ilan lang mga taon. Sa kasalukuyan, ang malaking suliranin ni Sison ay nangunguna sa mga “election surveys” si BBM.

Para kay Sison at sa mga komunista, si Robredo na lang ang tangi nilang pag-asa manatili sa lipunan.

Alam ng CPP-NPA-NDF na magiging palpak na pangulo si Robredo dahil hindi ito marunong sa batas (take two sa Bar exam si Robredo) at hindi ito marunong gumamit ng kapangyarihan (walang silbing bise presidente).

Dahil malayong pangalawa si Robredo sa mga “election surveys,” wala ng ibang mapapagpilian sina Sison at ng CPP-NPA-NDF kung hindi si Robredo.

Alam din ni Sison na kapag hinayaan ng mga botante na tinatangkilik ng CPP-NPA-NDF ang kandidatura ni Robredo, tiyak na maraming hindi boboto kay Robredo.

Yan ang dahilan kung bakit hindi nakakagulat na tinanggihan ni Sison na siya ang tagapayo ni Robredo. Para kay Sison, kailangan niya si Robredo para manatiling buhay ang CPP-NPA-NDF sa Pilipinas.

Yung mga bintang ni Sison kay BBM ay mga kuro-kuro lang ng isang matandang komunistang nananatiling galit dahil sa pagkabigo ng CPP-NPA-NDP na mamuno sa Pilipinas. Hindi malilimutan ni Sison na ang martial law ni Pangulong Marcos ang naging hadlang sa layunin ng CPP-NPA-NDF na maging bansang komunista ang Pilipinas.

Kaya naman pinili ni Sison si Robredo kaysa kay BBM para sa susunod na pangulo ng Pilipinas.

Huwag na nating pagtalunan kung totoo nga ba na si Sison ang tagapayo ni Robredo. Ang mahalaga, pumanig na si Sison, ang pangunahing komunista sa Pilipinas at ang pasimuno ng CPP-NPA-NDF, kay Robredo sa darating na halalan.

Kaya pala maraming mga komunista ang naiuulat na sumasapi sa mga rally ni Robredo.

Kailangang huwag nating payagang manatili pa sa lipunan ang CPP-NPA-NDF.

Sapat na dahilan iyan upang huwag iboto si Robredo sa pagka-pangulo sa Mayo 2022.