BBM

Simpleng inagurasyon ni PBBM handa na

233 Views

HANDA na umano ang halos lahat para sa simple at taimtim na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Franz Imperial, isa sa punong abala sa preparasyon, konting detalye na lamang ng isasagawang programa ang kanilang pinaplantsa.

“The program we have prepared is very solemn and simple. It would be very traditional dahil sabi nga ni BBM sa vlog niya, ‘hindi kami lilihis pa sa tradisyon,’” sabi ni Imperial.

Ang inagurasyon ng nanalong Pangulo sa katatapos na halalan ang hudyat ng pagsisimula ng anim na taong termino nito.

Ayon kay Imperial ang programa ay magsisimula sa pamamagitan ng pag-awit ng national anthem na pangungunahan ng aktres na si Toni Gonzaga.

Inaayos pa umano ang mga detalye ng ecumenical invocation.

Mayroon din umanong 30 minutong military-civil parade na susundan ng pagkanta ng Pilipinas Kong Mahal ni Cris Villonco at ng Young Voices of the Philippines choir.

Si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo umano ang mangangasiwa sa panunumpa ni Marcos Jr.

Sinabi ni Imperial na wala pa itong detalye kung ano ang laman ng inaugural speech ni Marcos subalit ang sigurado umano ay hindi ito gagamit ng teleprompter.

Sa umaga ng Hunyo 30 ay pupunta ang President-elect sa Malacańang upang sunduin ang outgoing President at sila ay pupunta sa National Museum.

Dati ay sa Quirino Grandstand tradisyonal na ginagawa ang panunumpa ng pangulo subalit mayroon pa doong COVID-19 facility sa kasalukuyan kaya inilipat ang venue.

Matapos ang seremonya ay pupunta na sa Malacañang ang bagong Pangulo kung saan nila pupulungin ang mga miyembro ng kanyang Gabinete.

Sa gabi ay magsasagawa ng inaugural reception.