Calendar

Solid North Transit Inc. nangakong magsisikap upang tragedya di na maulit
LUBOS na nakikiramay ang Solid North Transit, Inc. sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya na naapektuhan ng malagim na aksidente na kinasangkutan ng isa sa aming mga bus sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
Narito ang kanilang pahayag:
Labis kaming nagdadalamhati sa mga buhay na nawala at sa mga nasugatan sa trahedyang ito.
Buong puso naming kinikilala ang bigat ng pangyayaring ito at buong pananagutan naming inaako ang aming responsibilidad. Ang kaligtasan ng aming mga pasahero ay palagi naming inuuna, at lubos naming ikinalulungkot na kami ay nabigong mapanatili ang pamantayang ito sa pagkakataong ito.
Tinatanggap namin ang 30-araw na suspensyon na ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa buong fleet ng aming kumpanya. Kinikilala namin na ito ay isang mahalagang hakbang upang masusing maimbestigahan ang insidente at mabigyan kami ng pagkakataong suriin at patatagin pa ang aming mga sistema.
Buong-buo ang aming pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng trahedyang ito. Kasabay nito, nagsasagawa rin kami ng internal investigation upang matukoy ang mga pangunahing sanhi at kung may naging pagkukulang sa aming mga patakaran.
Kaugnay ng pagsasampa ng kasong kriminal, nais naming tiyakin sa publiko at sa mga pamilyang apektado na haharapin namin ang prosesong ito nang may buong katapatan at pananagutan.
Nais naming makamit ang hustisya, at hindi kami magiging hadlang dito.
Bilang bahagi ng aming mga panloob na hakbang, nakikipag-ugnayan kami upang mahikayat ang sangkot na driver na sumailalim sa drug test. Bahagi ito ng mas malawak naming pagsusuri sa kaligtasan, na kinabibilangan ng re-training ng mga driver, mas mahigpit na inspeksyon ng mga sasakyan, at mas pinaigting na pagpapatupad ng mga safety protocol.
Ito ay isang napakasakit na panahon para sa aming kumpanya, ngunit kami ay determinadong matuto mula sa trahedyang ito. Utang namin sa aming mga pasahero at sa publiko ang pagbawi ng kanilang tiwala sa pamamagitan ng kongkreto at makabuluhang pagbabago.
Habang patuloy naming kinakalap ang lahat ng impormasyon mula sa mga imbestigasyon, bumubuo kami ng isang komprehensibong plano upang mapabuti ang aming operasyon. Ang mga hakbang na ito ay gagabayan ng aming paninindigan sa kaligtasan at transparency.
Magbibigay kami ng regular na update sa publiko at sa mga kinauukulan sa pamamagitan ng aming mga official channels, kabilang ang aming mga social media accounts. Hindi namin binabalewala ang pangyayaring ito — batid naming ang pagbabalik ng tiwala ng publiko ay mangangailangan ng panahon, pananagutan, at tunay na pagbabago.
Sa mga biktima, sa kanilang mga pamilya, at sa publiko — kami ay taos-pusong humihingi ng paumanhin. Walang salitang makakapawi sa sakit, ngunit nangangako kaming magsisikap nang husto upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.