Ambassador Markus Lacanilao Ambassador Markus Lacanilao

SP Chiz: Walang approval ko pag-contempt, pagkulong kay Lacanilao

28 Views

IGINIIT ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na lumabag sa mga alituntunin ng Senado at isinagawa ng wala niyang pahintulot ang utos na pag-aresto at pagkulong kay Ambassador Markus Lacanilao.

Ipinaliwanag ni Escudero na si Sen. Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, ang nag-utos ng pag-aresto at hindi dumaan sa wastong proseso at walang kaukulang pag-apruba mula sa kanyang opisina.

Nangyari ang kontrobersiya sa isang pagdinig ng komite ni Marcos kung saan inimbitahan si Ambassador Lacanilao bilang resource person upang sagutin ang mga tanong kaugnay ng imbestigasyon.

Tumindi ang tensyon matapos ang mainit na palitan ng sagot nila ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na nagsabing umiwas si Lacanilao sa mga tanong at hindi naging kooperatibo.

Inihain ni Dela Rosa ang mosyon na ideklarang in contempt si Lacanilao.

Ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, may mga impormasyong hindi maaaring ibunyag dahil saklaw ito ng executive privilege.

Dahil dito, hindi direktang nasasagot ni Lacanilao ang ilang katanungan ng mga senador.

Sa kabila ng apela ni Remulla sa komite na huwag ituloy ang mosyon ng contempt, nilagdaan pa rin ni Sen. Marcos ang utos para sa pag-aresto at pagkulong ni Lacanilao at ipinagbigay-alam ito sa mga mamamahayag.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Escudero na ang kautusan ay hindi pa man umaabot sa kanyang tanggapan ay naipakalat na sa publiko na hindi umano tama.

Sa ilalim ng mga panuntunan ng Senado, kailangan munang aprubahan ng Senate President ang anumang utos para sa pag-aresto o pagkakulong ng sinumang idedeklarang in contempt ng isang komite para tiyakin ang due process at maiwasan ang pag-abuso sa kapangyarihang lehislatibo.

“This safeguard exists to ensure that the powers of the Senate are exercised prudently with due regard for the rights of all,” ani Escudero.

Matapos ang ilang oras ng aniya’y “walang awtorisasyong pagkakakulong,” iniutos ni Escudero ang pagpapalaya kay Lacanilao.

“For reasons unknown, Sen. Imee Marcos appears to have disregarded this long standing rule or conveniently forgotten that the approval of the Senate President is not automatic nor ministerial simply because she desires it,” saad ni Escudero.

Bilang pagtalima sa batas, naglabas si Escudero ng show cause order kay Lacanilao, na nag-uutos sa kanya na magpaliwanag sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dapat i-cite in contempt.

“It is a dangerous precedent to allow senators to flout the Senate’s own rules,” ani Escudero.

Nanawagan si Escudero ng responsableng kilos mula sa mga kasamahan sa Senado at hinikayat si Sen. Marcos na gamitin ang kanyang impluwensiya bilang tulay sa pagkakaisa at hindi para magkahiwa-hiwalay ang mga Pilipino.