Southern Police District

SPD chief bago na; krimen bumaba

Edd Reyes Apr 6, 2025
34 Views

BUMABA ang krimen sa Southern Police District (SPD) sa huling bahagi ng 2024 hanggang sa unang tatlong buwan ng 2025 bunga ng pinaigting na operasyon at pakikipagtulungan ng komunidad, ayon sa papaalis na SPD chief P/BGen. Manuel Abrugena.

Sa kanyang pamumuno bilang director ng SPD bago lisanin ang posisyon kapalit ni PBGen. Joseph Arguelles noong Linggo, napagtagumpayan ni Abrugena ang 22% o 348 na pagbaba ng naitalang krimen mula Oktubre hanggang Disyembre 2024 at Enero hanggang Marso 2025.

Ayon kay SPD Public Information Office (PIO) chief P/Lt. Margaret Panaga, kabilang ang pagbaba sa mga focus crimes sa accomplishments ng heneral.

Nakapagtala ang SPD ng pagbaba sa pagnanakaw mula sa 141 na naging 86 o 39% na mas mababa, rape na mula 65 bumaba sa 41 o 37% down, physical injury na mula 47 naging 32 o 32% ang pagbaba at robbery na mula 49 naging 46 o 6% na pagbaba.

Ang pagbaba ng naturang mga kaso bunsod na pinaigting na police visibility, agarang pagresponde at madalas na pakikipag-ugnayan sa komunidad.

Bagama’t nakapagtala ng bahagyang pagtaas ng kaso ng iba pang focus crimes tulad ng murder, homicide at pagtangay ng motorsiklo, pinatutukan naman ni B/Gen. Abrugena ang pangangalap ng impormasyon, pagpapatrulya at mabilisang aksyon upang hindi pa tumaas ang naturang mga krimen.

Nagpa-abot ng pasasalamat ang heneral sa kanyang mga opisyal at tauhan na katuwang niya sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa buong SPD.

Hinimok niya ang lahat na suportahan ang kanyang magiging kapalit na si PBGen. Arguelles.