Speaker Romualdez

Speaker Romualdez hinimok graduates ng RSU na makibahagi sa pagpapatatag ng bansa

Mar Rodriguez Jun 6, 2024
130 Views

Speaker RomualdezHINIMOK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga nagsipagtapos sa Romblon State University na gamitin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagpapa-unlad ng bansa.

Kinilala rin ng lider ng Kamara de Representantes ang mahalagang papel na gagampanan ng mga nagsipagtapos sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

“I urge you, my dear graduates, to take an active role in nation-building and shaping the future of our beloved Philippines,” ani Speaker Romualdez sa kanyang talumpati sa ika-148 Commencement Exercises ng RSU na may paksang “Transcending Borders: Embracing Change.”

Sinabi pa ng pinuno ng Kamara, “Your education and experiences here at [RSU] have equipped you with the tools and knowledge to make a meaningful impact in our society. Let us work together towards creating a better and brighter future for our nation.”

Pinangunahan din ni Speaker Romualdez, pinuno ng higit sa 300-kinatawan sa Mababang Kapulungan, ang paglulunsad ng University Information System (UIS) ng RSU na mahalagang bahagi ng ICT Modernization Program ng unibersidad.

Ipinahayag ni Speaker Romualdez sa kanyang talumpati ang lubos na pagtitiwala sa kakayahan ng mga nagsisipagtapos na mag-aaral ng RSU Class 2024 upang harapin ang mga hamon at oportunidad na darating sa hinaharap.

Ayon sa pinuno ng Kamara, ang panahon na iginugol ng mga mag-aaral sa pamantasan ay isang paghahanda upang magsilbing tagapagtaguyod ng mabuting pagbabago sa bansa.

“As you embark on your next chapter, remember the values and skills instilled in you by RSU. Use them to make a difference in your communities and strive for excellence in everything you do,” ayon pa kay Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez sa mga nagtapos na ang hinaharap ay puno ng pag-asa at ipinahayag ang kumpiyansa na ang bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng mahalagang gampanin sa lipunan.

“You are only at the beginning of an education that lasts a lifetime — and RSU has given you the skills and values that will be with you to succeed where others cannot,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Bago ang seremonya ng pagtatapos, pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang paglulunsad ng UIS o tinatawag bilang SMART Campus Program.

Kasama din ni Speaker Romualdez sina House Committee on Appropriations Chair AKO BICOL Rep. Elizaldy S. Co, Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus F. Madrona, at RSU President Merian P. Catajay-Mani.

“This project signifies a new era of smart campus in Romblon and will revolutionize the way information is managed and shared within the university,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez na sa pamamagitan ng UIS ay mapapadali ang proseso at gawain, at magpapahusay ng kakayahan sa pangangalaga ng mga datos, at mahahalagang impormasyon ng unibersidad.

“Through the Campus Portal, we will promote engagement and collaboration among RSU community members, creating a conducive learning environment for all,” ayon sa mambabatas.

Dagdag pa nito, “By leveraging technology and innovation, we aim to cultivate future-ready students who excel in the digital world and contribute to academic excellence and creativity. These initiatives will set RSU apart as a unique institution in the region and beyond.”

Sa huli, binati ni Speaker Romualdez ang mga nagsipagtapos, gayundin ang pasasalamat sa mga guro, at tagapamahala ng RSU sa kanilang pagsisikap at determinasyon tungo sa pagpapahusay ng unibersidad at ng mga mag-aaral.

“You have built a strong institution and enduring legacy upon which our future rests, and I am more bullish than ever on what is yet to come for your beloved State University,” ayon pa sa mambabatas.