Martin4

Speaker Romualdez ipinatawag PNP, DILG para tugunan high-profile crimes

171 Views

IPINATAWAG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isang emergency meeting ngayong Lunes ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) upang pag-usapan ang sunod-sunod na malalaking krimen at iba pang bagay na nangyari sa bansa.

“Nakakabahala na dahil parang halos every week may malaking balita tungkol sa mga napapatay sa kalye,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Gusto natin malaman sa PNP at DILG kung ano ang mga hakbang na ginagawa nila upang pigilan ang mga ganitong uri ng karumal-dumal na krimen,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Batay sa mga impormasyong lumabas, sinabi ni Romualdez na mukhang politika ang motibo sa mga pananambang kamakailan dahil mga politiko ang biktima.

“We will ask the police and the DILG, saan ang problema? Intelligence ba? Paano makakatulong ang Kongreso sa paglutas ng mga krimeng ito?” tanong ni Romualdez.

Sugatan ang isang mayor sa Maguindanao matapos na pagbabarilin sa Pasay City.

Isang mag-asawang negosyante at kanilang kasama ang pinagbabaril din sa Pasay City kamakailan.

Ngayong buwan din ay pinagbabaril at napatay ang vice mayor ng Aparri, Cagayan.

Nakaligtas naman si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong sa pananambang sa kanya subalit nasawi ang apat na police escort at drayber nito.