Martin1 LIGA NG MGA BGY – Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama si Social Security System (SSS) President Rolando “Rolly” Macasaet, sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas 2024 National Congress sa World Trade Center sa Pasay City, kung saan nakatakdang magbigay ng mensahe ang pinuno ng Kamara de Representantes na may mahigit 300 miyembro. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez: Libo-libong opisyal ng barangay malapit ng maging miyembro ng SSS

82 Views

Martin2

Martin3
SSS PARA SA BGY EXECS – Iminungkahi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magkaroon ng SSS membership ang mga opisyal ng barangay para mayroon silang life insurance at lifetime retirement pension, sa kanyang inspirational message sa ginanap na Liga ng mga Barangay sa Pilipinas 2024 National Congress sa World Trade Center sa Pasay City umaga ng Martes.
Kuha ni VER NOVENO

INANUNSYO ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa harap ng libo-libong opisyal ng barangay na malapit na silang maging mga miyembro ng Social Security System (SSS) ng hindi nagbabayad ng premium upang magkaroon ng lifetime insurance at pensyon.

Kasabay nito, ibinalita rin ni Speaker Romualdez sa mga miyembro ng Liga ng mga Barangay sa kanilang isinagawang National Congress sa World Trade Center (WTC) na isinusulong din sa Kamara de Representantes ang panukala na gawing anim na taon ang termino ng mga opisyal ng barangay mula sa kasalukuyang tatlong taon.

Ayon kay Speaker Romualdez, nakausap nito ang presidente ng SSS kaugnay ng kanyang adbokasiya na magkaroon ng pension fund ang mga barangay officials at masakop ang mga ito ng life insurance at lifetime pension.

“Nagkaroon ako ng pag-uusap kamakailan lamang kasama ang pangulo ng SSS upang matugunan ang inyong pangangailangan sa proteksyon o seguridad habang kayo ay nasa serbisyo,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Umaasa ako na sa lalong madaling panahon, lahat kayo ay magiging miyembro na ng SSS. Sa sandaling mangyari ito, agad na kayong mabibigyan ng life insurance at sa patuloy na pag-iipon natin sa pondo ng SSS, maaari rin kayong mag-qualify sa lifetime pension,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Inaaral din aniya ng Kamara ang panukala na magbibigay ng mandato sa mga lokal na pamahalaan na magtabi ng pondo na ilalaan na pambayad ng buwanang kontribusyon sa SSS ng mga opisyal ng barangay.

“Sa ganitong paraan, hindi na ninyo iisipin ang buwanang hulog sa SSS,” diin ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Batid aniya nila ng mga kasamahang mambabatas ang alinlangan ng mga lider ng komunidad ukol sa kapakanan nila at ng kanilang pamilya habang nagbibigay serbisyo sa komunidad.

“Bago kayo lumabas, ‘yung hindi pa miyembro ng SSS, puwede na kayo mag-rehistro,” sabi ni Speaker Romualdez matapos maghanda ng 50 computer terminal ang SSS para makapagrehistro ang mga barangay official na hindi pa miyembro.

Kasunod ng mensahe ni Speaker Romualdez, sinabi naman ni SSS President Rolando Macasaet na itinutulak din ng lider ng Kamara ang pagkakaroon ng condonation sa mga hindi nabayarang utang ng mga barangay official na dati ng miyembro ng SSS.

“Pumunta lang po kayo sa SSS, mag-apply kayo ng Consoloan at ipakita ninyo ang ID ninyo na barangay kapitan kayo o kagawad kayo at iwi-waive ko lahat ng penalties,” ani Macasaet na inihayag rin na maaari nilang bayaran ang balanse ng principal sa susunod na limang taon.

Sa panukalang anim na taong termino ng mga opisyal ng barangay, tinukoy ni Speaker Romualdez na batid nila ang mga hamong hinaharap ng mga opisyal.

“Dahil dito, minabuti ko na mag-akda ng panukalang batas na layong gawing anim na taon ang fixed-term ng mga halal na barangay officials. Sa ganitong paraan, magkakaroon kayo ng sapat na oras upang magplano at magpatupad ng mga pang-matagalang programa para sa ikauunlad ng inyong barangay,” wika niya.

“Sa loob ng anim na taon, hindi na kayo maaabala ng mga isyung elektoral at makakapagtuon kayo ng buong atensyon sa serbisyo sa inyong mga ka-barangay. Makakabuo tayo ng matatag na pamumuno sa barangay at masisigurong sustainable ang mga proyekto at programa,” saad pa niya.

Inihahanda na rin aniya ng Kamara ang pagpasa sa isang Magna Carta for Barangays.

“Sa panukalang ito, layunin natin na gawing komprehensibo ang mga benepisyo at suporta na ibinibigay natin sa mga barangay officials,” pagbibigay diin ng House Speaker.

Hinikayat din ng lider ng Kamara ang mga opisyal ng barangay na magbigay ng suhestyon sa pagbuo ng panukala na sila rin ang makikinabang.

“Umaasa ako na magiging katuwang namin kayo sa pagbubuo ng batas na ito. Hinihikayat ko kayong lahat na magpasa ng mga position papers at ipagpatuloy ang ating ugnayan upang masigurong maisama ang inyong mga kahilingan sa panukalang ito,” sabi pa nito.

Tinuran din niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng barangay sa paguugnay ng pamahalaang nasyunal sa kanilang mga komunidad sa paghahatid ng serbisyo publiko.

“Ang Liga ng mga Barangay ay isa sa mga pinakamahalagang organisasyon sa ating bansa ngayon dahil sa papel na ginagampanan ninyo sa ating mga komunidad,” aniya.

“Kayo po ang mukha ng ating pamahalaan sa bawat sulok ng Pilipinas. Kayo ang tumutulay sa mga programa at proyekto ng gobyerno upang makarating ang mga ito kahit sa pinakamalayong lugar,” wika pa nito.

Ipinaalala pa ni Speaker Romualdez na silang mga opisyal ang nagsisilbing boses ng kanilang mga kababayan.

“Kayo rin ang boses ng ating mga kababayan. Ang inyong mga hinaing at pangangailangan ang siyang nagtutulak sa amin na maglingkod nang mas mahusay. Ito ang gabay namin sa pagbalangkas ng mga batas na tunay na makakatulong sa inyong mga komunidad,” giit niya. “Kinikilala ko — pati na rin ng buong House of Representatives — ang mahalagang ambag ng mga barangay official sa mabuting pamamahala.

Pinasalamatan din niya ang walang kapagurang paglilingkod nila sa kanilang mga komunidad.

“Nais ko muling magpasalamat sa inyong lahat sa inyong walang sawang paglilingkod at dedikasyon sa inyong mga barangay. Patuloy tayong magtulungan para sa ikabubuti ng bawat komunidad sa buong bansa,” sabi pa ni Speaker Romualdez.