Martin

Speaker Romualdez: Magfocus sa pagkakaisa, di sa fake news

Mar Rodriguez Dec 8, 2024
105 Views

KASABAY ng kanyang pagtanggi sa kumalat na maling balita na siya ay na-stroke, nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga Pilipino na mag-ingat sa fake news.

Hinikayat din ng lider ng Kamara de Representantes ang mga Pilipino na tutulan ang pagkakalat ng maling impormasyon at ituon ang atensyon sa pagkakaisa at positibong pananaw, lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.

Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa publiko na siya ay nasa mabuting kalusugan at nakatutok sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng mahigit 300-kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Mag-ingat na tayo sa fake news,” paalala ni Speaker Romualdez sa isang panayam.

Dagdag pa niya: “Andito lang ako buong araw, nag-shooting ng Christmas messages at iba pa. At mamaya manonood ako ng pelikula kasama ng pamilya ko. Kahapon (Friday) naman nakasama ko ang mga governors, nag-dinner po kami.”

Ipinagkibit-balikat na lamang ni Romualdez ang maling impormasyon na ipinakalat habang siya ay mahimbing na natutulog noong Biyernes ng gabi.

“Kagabi hindi naman ako napuyat at ang sarap ng tulog ko. Wala akong maagang appointment kaya himbing na himbing ang tulog ko, kaya refresh na refresh ako. Now, I’m feeling very, very strong and very energetic lalo na itong araw na ito,” ayon sa kongresista sa panayam noong hapon ng Sabado.

Hinimok din ng Speaker ang lahat na iwasan ang pagpapakalat ng disimpormasyon at sa halip ay magtuon sa pagkakaisa at positibong pananaw ngayong kapaskuhan.

“Sana huwag na lang magpakalat ng fake news. Let’s just all work together. Positive tayo lalo na Pasko ngayon,” ayon sa mambabatas.

Nang tanungin tungkol sa posibleng pinagmulan ng mga maling impormasyon, sinabi ni Speaker Romualdez na maaaring mula ito sa mga kritiko ng Kamara na tutol sa isinasagawa nitong mga imbestigasyon.

“Siguro naman sa mga detractors ng House lalo na sa nangyayari po sa mga hearings natin. Siyempre, may nagbabatikos. Kumbaga, kasama din talaga ‘yan sa trabaho natin pero iwasan na lang natin ang pagkakalat ng fake news,” saad nito.

Una ng kinondena ng Office of the Speaker ang mga kumakalat na maling balita na isang planadong hakbang upang pabagsakin ang tiwala ng publiko sa mga lider ng bansa.

“These allegations are completely untrue and are clearly designed to mislead the public and sow confusion,” ayon kay Atty. Lemuel Erwin Romero, head executive assistant ng Speaker’s Office.

Binanggit ni Romero ang mga kamakailang pampublikong gawain ni Speaker Romualdez, kabilang ang kanyang pagdalo sa Malacañang noong Disyembre 5 at 6, kung saan nakipagkita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga mambabatas para sa isang Christmas fellowship at nilagdaang dalawang bagong batas.

Hinimok niya ang lahat na piliin lamang ang mga mapagkakatiwalaang mapagkukuhanan ng impormasyon at nagbabala na ang disinformation ay naglalayong sirain ang tiwala ng publiko sa mga institusyon at nakakasira sa bansa.