DA Source: DA

Speaker Romualdez nanawagan ng mas maigting na pagbabantay ng DA sa presyo ng bilihin

28 Views

NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para sa pagpapalakas ng price monitoring system ng Department of Agriculture (DA) para matiyak na nakukuha ang tamang datos ng reyalidad sa pamilihan.

“May price monitoring mechanisms ang ating mga ahensiya pero dapat siguruhin nating nakikita sa pamilihan ang nakasaad na presyo sa monitoring na ito. Sa ngayon kasi, mukhang hindi akma ang estimate sa price monitoring sa tunay na presyo sa mga pamilihan,” ani Speaker Romualdez.

Sinabi ni Speaker na batay sa datos ng Bantay Presyo ng DA, ang presyo ng itlog ng manok na large ay nasa P8 hanggang P9 kada piraso.

“Nakikita natin na sa wet markets, ang ganitong mga itlog ay nabibili sa P9–P11, at sa ilang supermarket, umaabot pa sa P12,” ani Speaker Romualdez.

“Bakit may diperensya sa presyo kahit piso lang?” tanong ni Speaker Romualdez.

“Alam nating ginagawa ng DA ang kanilang makakaya sa pagbabantay ng presyo, pero siguro, mas mainam na dagdagan pa natin ang ating mekanismo sa pag-monitor. Nais nating lalo pang mapabuti ang serbisyo sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Speaker Romualdez, na isang abogado mula University of the Philippines (UP).

“Ang bawat piso ay mahalaga. Kailangan natin itong itama para maging malinaw ang ipinapakita sa pamilihan,” wika ng lider ng 306 na miyembro ng Kamara de Representantes, kasabay ng pagbibigay-diin na ang tapat at napapanahong datos ay kritikal para sa epektibong pagbuo ng mga polisiya at pagpapanatili ng tiwala ng mga mamimili sa buong bansa.

Sabi pa ng kinatawan ng unang distrito ng Leyte, ang pagkuha ng sentimiyento ng mga lokal na nagtitinda at namamahala sa mga pamilihan ay makakatulong para pag-ugnayin ang mga opisyal na numero at tunay na sitwasyon sa baba.

Naniniwala si Speaker Romualdez na mahalaga ang sabayang pagtugon.

“May monitoring ang DA. May monitoring ang DTI (Department of Trade and Industry). Dapat nagkakaisa ang mga ahensya para makuha natin ang tunay na larawan ng presyo sa pamilihan,” punto niya. “Ito ang magiging susi para sa isang maayos at matatag na ekonomiya.”

Hindi lang aniya sa presyo ng bigas ang hamon.

“Alam natin na hindi lang itlog ang apektado. Ang presyo ng karne at poultry ay patuloy na tumataas dahil sa mga isyung tulad ng African swine fever, kakulangan sa storage facilities, at init ng summer. Hindi ito maaaring balewalain,” ayon sa mambabatas.

Dagdag pa niya, “Hindi natin puwedeng palipasin pa ang Mahal na Araw bago natin solusyunan ang mga problemang ito. Kailangan agad nating gumawa ng hakbang para sa ating mga mamamayan.”

Muling siniguro ng Speaker sa publiko ang pangako ng Kongreso salig sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan para mapahusay pa ang pagbabantay sa presyuhan.

“Tayo’y magtutulungan upang matiyak na abot-kaya ang bilihin ng bawat sambayanan,” paglalahad niya. “Hindi ito laban ng iisang ahensya o grupo—ito ay laban nating lahat para sa mas maliwanag na kinabukasan.”

Sa kanyang pagtatapos, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na pagbutihin ang sistema para sa isang mas transparent at maaasahang sistemang pang-ekonomiya.

“Kapag alam natin ang tunay na presyo sa pamilihan, nagkakaroon tayo ng sapat na batayan para gumawa ng tamang desisyon,” paliwanag niya.

“Ito ay para sa ating lahat, upang masiguro natin ang isang matatag na ekonomiya at isang maayos na pamamahala sa ating bansa,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.