Calendar

Speaker Romualdez nanawagan ng pagkakaisa sa lehislatura upang ipaglaban UNCLOS
NANAWAGAN si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng matatag na pagkilos sa mga mambabatas sa Southeast Asia na ipagtanggol ang rules-based international order, bigyang kapangyarihan ang mga mamamayan, at pamunuan ang pagbabago sa ASEAN sa pamamagitan ng paggawa ng mga makabuluhang batas.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga pinuno ng estado at mga lider ng lehislatura sa ika-14 na ASEAN Leaders Interface with Representatives of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) sa Kuala Lumpur Convention Center sa Malaysia, binigyang-diin ni Romualdez ang mahalagang papel ng mga institusyong gumagawa ng batas upang matiyak ang pananatili ng kapayapaan, kasaganahan at soberanya sa rehiyon.
“We must move as one—translating ASEAN’s collective aspirations into concrete policies that empower our workers, farmers, and fisherfolks, protect our seas, connect our digital economies, and defend the rules-based international order,” ani Romualdez, lider ng 306-kinatawan ng Kamara.
“This includes upholding the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea or UNCLOS, which guarantees peace, security, and sovereignty for all,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang kapayapaan at kasaganahan ng rehiyon ay nakasalalay sa matatag na pagsunod sa international law, lalo na sa gitna ng tumitinding global tension at banta sa integridad ng karagatan.
Sinabi ng Speaker na sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., isinusulong ng Pilipinas ang “Bagong Pilipinas” na nakabatay sa pagkakaisa, inobasyon at pagiging inklusibo—isang pambansang agenda na kaakibat ng mga layunin ng ASEAN.
“As Speaker of the House, I have made it my mission to ensure that our legislation is not just responsive—but visionary. Not just reactive—but catalytic,” saad ng lider ng Kamara.
Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang buong suporta ng Kongreso ng Pilipinas sa pagsusulong ng mga prayoridad ng rehiyon sa pamamagitan ng mga batas na nagpapalakas sa seguridad sa pagkain, renewable energy, digital infrastructure, cyber defense, at inklusibong berde at napapanatiling pag-unlad.
“We believe the role of AIPA is not only to support ASEAN’s vision—but to shape it—boldly and bravely,” pahayag ni Romualdez.
Hinikayat ni Romualdez ang mga mambabatas ng ASEAN na yakapin ang kanilang papel hindi lamang bilang mga taga-gawa ng batas kundi bilang mga tagapagtulay ng kultura at henerasyon.
“As parliamentarians, we are not just lawmakers; we are bridge-builders across nations, generations, and ideologies. And it is our duty to ensure that this region remains a bastion of peace, prosperity, and shared progress,” aniya.
Itinuturing na isang makasaysayang pagkakataon ang pagpupulong sa pagitan ng ASEAN at AIPA, habang naghahanda ang Pilipinas na pamunuan ang AIPA sa taong 2026.
Kasabay ito ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation—isang makabuluhang sandali para sa mas malalim na ugnayang pambatas sa buong Timog-Silangang Asya.
“I commit to a leadership that is principled, progressive, and deeply collaborative,” sabi ni Romualdez. “We will work closely with Malaysia and all AIPA members to ensure a smooth transition and a legacy of momentum, not inertia.”
Tinapos ni Speaker Romualdez ang kanyang talumpati sa isang panawagan para sa sama-samang paghubog ng kinabukasan ng rehiyon—at hindi basta pagsabay dito.
“Our region cannot afford to be passive in a world that is increasingly polarized. The true measure of leadership is not what we preserve—but what we build,” pahayag ni Romualdez. “Together, let us build a region that is not only prepared for the future—but determined to shape it.”