Calendar
Speaker Romualdez: Pagtulong sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon, tuluy-tuloy
Kahit nakapahinga ang Kongreso
TINIYAK kahapon, araw ng Linggo, ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kahit pa naka-break ang Kongreso sa ngayon ay walang sawa at walang tigil ang gagawin nilang pagtulong, pag-aasikaso at pagkakaloob ng ayuda sa mga residente na naapektuhan ng pag-alburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Speaker Romualdez, nag-request na siya ng P10 million cash assistance sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa mga residente na malapit sa Bulkang Mayon.
Bukod dito, humiling din umano siya ng P10 million cash for work mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Displaced Workers o TUPAD program ng ahensya, dahil marami o halos lahat ng lumikas ay walang trabaho ngayon.
Sinabi ni Speaker Romualdez na, “Pinakiusapan lang natin ang DSWD at DOLE na-i-fast track ang pag-release ng cash assistance dahil kailangang-kailangan na ng mga kababayan natin na apektado ng pag-alburoto ng Bulkang Mayon.”
Nagbigay din noong nakaraang linggo ng tig-P500,000 sa tatlong distrito ng Albay na apektado ng pag-aalburuto ng bulkan, si Romualdez at maybahay nito na si Tingog Congresswoman Yedda Romualdez, para makapagbukas ng community pantry sa mga apektadong lugar.
Ipinasilip naman ni Albay 3rd District Cong. Fernando Cabredo ang community pantry na kaagad nitong itinayo sa nasasakupan.
Dagdag pa ni Romualdez, “dito sa community pantry maaaring dalhin ng mga farmers ang ani nila o yung mga may tanim sa likod bahay para may makunan ng makakain ang mga tao tulad noong pandemic”.
Naghatid din ng tig-P500,000 na relief goods sa bawat distrito sa Albay na apektado ng Mayon ang mag-asawang Romualdez mula sa personal disaster relief fund ng mag-asawa.
Samantala, pinadalhan din ng tulong ni Cong. Romualdez ang mga biktima ng sunog sa Ormoc City sa Leyte, at Mandaluyong at Quezon City sa National Capital Region.
Bukod sa mga tsinelas, kulambo at toiletries, nabigyan din ng cash assistance mula sa DSWD ang lahat ng mga pamilya ng nasunugan.
“Ito po ang aming pamamaraan sa gobyerno na tulungan ang mga kababayan natin sa oras ng kanilang pangangailangan saan man at kailan man”, ani Cong. Romualdez.