SRI

SRI sa mga kawani ng gobyerno aprubado na ni PBBM

Chona Yu Dec 13, 2024
103 Views

APRUBADO na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng Service Recognition Incentive sa lahat ng kawani ng gobyerno para sa taong 2024.
Base sa Administrattive Order No. 27, ang SRI para sa mga empleyado ng Executive Department ay hindi lalampas ng P20,000.

Kabilang dito ang civilian personnel sa national government agencies (NGAs), kasama ang state universities and colleges (SUCs) at government-owned or -controlled corporations. (regular, contractual or casual positions;

Gayundin ang uniformed personnel ng AFP Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard at National Mapping and Resource Information Authority.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, sa unang pagkakataon ay makukuha ng mga guro nang buo ang kanilang SRI. Mula P15,000 noong 2022 at P18,000 noong 2023, magiging P20,000 na ito ngayong 2024.

Para naman sa mga pulis kung noong 2023 ay P12,500 lang ang na-tanggap na SRI, ngayong 2024 ay magiging P20,000 na rin ito.

Gayunpaman, ang pondo para sa pagbibigay ng SRI ay nakadepende sa available allotment ng ahensya, na siyang magpapasya sa halaga ng SRI na ipagkakaloob sa kanilang mga empleyado para sa 2024.

Ang SRI ay isang insentibo na ibinibigay sa mga kawani ng gobyerno bilang pagkikilala dedikasyon sa serbisyo publiko.

“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Bongbong Marcos sa pag-apruba ng kautusan na magbibigay ng SRI sa lahat ng ating mga lingkod bayan. Sigurado po ako, maituturing itong maagang pamasko ng ating mga kawani at kanilang pamilya lalo’t paparating na ang holiday season,” pahayag ni Pangandaman.

“First time in history makukuha po ng ating mga guro sa DepEd nang buo ang kanilang SRI. Mula P15,000 noong 2022 at P18,000 noong 2023, magiging P20,000 na po ito ngayong 2024. Kaisa po tayo ng Pangulo sa pagkilala sa hirap at sakripisyo ng ating mga guro na tumatayong pangalawang magulang sa ating mga kabataan,” dagdag ni Sec Mina.

“May magandang balita rin po tayo sa ating kapulisan. Kung noong 2023 ay P12,500 lang ang na-receive na SRI ng ating mga PNP employees, ngayong 2024 ay P20,000 na po ang matatanggap nila,” pahayag ni Pangandaman

Ipagkakaloob ang SRI nang hindi mas maaga sa December 15, 2024.