BBM2

Structural change ilalatag ni PBBM sa DA

Neil Louis Tayo Jun 17, 2023
148 Views

ILALATAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang structural change sa Department of Agriculture (DA) upang magtuloy-tuloy umano ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain sa bansa.

At kapag nagawa na ito, maaari na umanong iwanan ni Pangulong Marcos ang DA.

“You know, the truth of the matter is…we have really managed to make some very important structural changes in the Department of Agriculture. So iniisa-isa natin ‘yan. The problem had been during the beginning of this year ay naging crisis lahat ng food supply, food prices, lahat fertilizer prices, et cetera. Kaya napakalaking bagay nitong donation na binigay sa atin ng China,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na nais nitong tiyakin na mayroon ng angkop na sistema para tumaas ang produksyon ng pagkain sa bansa bago niya ipasa sa iba ang pamamahala sa DA.

“Kaya’t ang aking hangarin para sa DA ay pag iniwanan ko ang DA by that time, we will have systems in place so that we can guarantee the food supply of the Philippines, number 1; we can guarantee that the prices are affordable; and, number 3, that our farmers make a good living,” sabi pa ni Marcos.

“Hangga’t matapos natin ‘yun, I suppose you will just have to put up with me as DA Secretary,” dagdag pa nito.

Bilang kalihim ng DA, nakagawa ng hakbang ang Pangulo para masuportahan ang mga magsasaka upang tumaas ang kanilang ani ng hindi lumalaki ang kanilang gastos.

“Ngayon, more or less, the prices of the agricultural commodities are beginning to stabilize. Now, we are going to make the structural changes that are important to increase production, number 1; to ensure the food supply of the Philippines, not only rice, but also corn, also fisheries, and livestock,” sabi pa ng Pangulo.

“So ‘yan ang ating mga ginagawa ngayon para naman hindi na tayo umabot sa krisis na sitwasyon kagaya ng nadatnan natin after the pandemic,” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.