suarez Suarez: Maganda ang bukas sa boxing.

Suarez, Martin hindi maawat

Ed Andaya Mar 15, 2022
606 Views

WALA pa ding tatalo kina Charly Suarez at Carl Jammes Martin.

Muling ipinamalas nina Suarez at Martin ang kanilang angking lakas at galing upang pabagsakin ang mga kalaban sa “Ultimate Knockout Challenge” sa Elorde Sports Complex sa Parañaque City nitong nakalipas na weekend.

Pinatumba ni Suarez, ang three-time Southeast Asian Games champion na nagpapasikat ngayon sa pro ranks, ang katunggaling si Tomjune Mangubat sa 12th round upang masungkit ang bakanteng World Boxing Council (WBC) Asia super featherweight title.

Ang 33-year-old na si Suarez, na tatlong ulit nanalo ng gold medal sa SEA Games, ay namayani ng husto laban kay Mangubat sa tulong ng malalakas at mala-rapidong suntok sa mukha at katawan.

Dahil dito, napaganda pa ni Suarez, na umakyat bilang pro nung 2019, ang kanyang record sa 10-0, kabilang ang seven knockouts.

Bumaba naman si Mangubat sa 15-3-1 kasama ang 12 knockouts.

“The Lord has always given me stellar opportunities, accomplishments and avenues in proving not just to the world but to myself that in Christ alone I am able,” pahayag ni Suarez sa kanyang Facebook post.

“I am honored to have shared the ring with a noble fighter in Tomjune Mangubat,” dagdag pa ni Suarez, na nagpasalanat din sa kanyang long-time friend-coach Delfin Boholst at Cucuy Elorde ng VSP Promotions.

Samantala, nasapawan ni Martin ang kalabang si Ronnie Baldonado ng Cotabato sa 11th round para makuha naman ang bakante ding World Boxing Association Asia super bantamweight belt.

Nadomina ni Martin, na tinatawag na “Wonder Boy”, ang laban simula sa eighth round at ibinato ang mga pamatay na suntok sa pagod na si Baldonado sa11th round.

Pinigil ni referee Nowel Haduca ang sagupaan na may 2:02 natitira sa 11th round at ibinigay ang panalo sa 22-year-old pride ng Lagawe, Ifugao.

Bukod sa vacant WBA super bantamweight title, napanatili din ni Martin ang kanyang Philippine super bantamweight crown, na una niyang nakuha nung December.

Overall, na-extend ni Martin ang kanyang winning record sa19 wins, kasana ang 16 by knockouts.

Samantala, si Baldonado ay nakalasap ng back-to-back losses at bumagsak sa 15-3 win-loss record.

Bagamat natalo, ang Luisito Espinosa-trained na si Baldonado ay lumaban ng pukpukan sa simula.

Nagawa pa niyang pabagsakin si Martin sa unang pagkakataon matapos tumama ng kanyang counter right.

Gayunman kaagad bumawi si Martin at unti-unting inagaw ang kontrol sa laban.

Kapwa naghahanda sa mga malalaking international fights sina Suarez at Martin.

Si Suarez ay umaasang makaka-porma sa matibay na 130-pound division, na kung saan kabilang sa mga naghahari si reigning WBC champion Oscar Valdez ng Mexico, na minsan na niyang tinalo nung kanilang amateur days.

Si Martin ay umaasang makakakuha ng mga mas premyadong laban sa abroad lalo ngayong pumirma na sya ng kontrata sa ilalim ng Probellum Promotions.