Calendar
Suporta ng Pinoy sa Cha-cha dapat magtulak sa Senado na aprubahan RBH 6
ANG suporta umano ng nakararaming Pilipino sa panukala na amyendahan ang Konstitusyon ay dapat magtulak sa Senado na agad aprubahan ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.
“They should respond to our people’s support for Charter reform by approving RBH No. 6, their version of the amendment proposals ASAP, upon the resumption of our session on April 29 after our Holy Week recess,” sabi ni Gonzales.
Ginawa ni Gonzales ang pahayag matapos na lumabas ang resulta ng survey ng big data research firm Tangere kung saan 52% ng mga Pilipino ang nagpahayag ng suporta sa Charter change.
Bago nag-break ang sesyon ng Kongreso noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Kamara ang RBH No. 7, ang bersyon nito ng resolusyon para sa pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
“Our good Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez delivered on his promise to approve the proposals before Holy Week. That’s leadership,” sabi ni Gonzales.
Sa kabilang banda, nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na aaprubahan ang RBH 6 bago ang Lenten recess subalit nabigo ito.
Sinabi ni Gonzales na makababawi si Zubiri kung maaaprubahan ng Senado ang RBH 6 bago muling mag-adjourn ang sesyon sa susunod na buwan upang maisagawa ang plebisito sa lalong madaling panahon.
Batay sa resulta ng survey ng Tangere, 14% ang nasabi na sila ay “strongly agree” at 38 porsyento naman ang “somewhat agree” sa pagbabago sa Konstitusyon.
Mayroon namang 13 porsyentong “somewhat disagree” at 10 porsyentong “strongly disagree” sa panukala. Ang nalalabing 25 porsyento ay wala pang desisyon kung sila ay pabor o tutol sa panukalang pag-amyenda.
Kinuha sa survey ang opinyon ng mga taga-Metro Manila (12 porsyento), Northern Luzon (23 porsyento), Southern Luzon (22 porsyento), Visayas (20 porsyento) at Mindanao (23 porsyento).