BBM-Sara

Suporta sa PWD ipagpapatuloy ng BBM-Sara tandem

340 Views

KUMPIYANSA ang PWD-basketball player na si Kenneth Christopher Tapia na ipagpapatuloy nina presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte ang pagsuporta sa mga taong may kapansanan gaya ng ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Tapia ay miyembro ng Pilipinas Warriors, ang paralympic team na lumalaban sa ibang bansa.

Siya ay nagkaroon ng spinal cord disability matapos na tamaan ng ligaw na bala noong 2009 pero hindi ito naging hadlang sa kanyang paglalaro ng basketball.

Nadiskubre siya ni Vernon Perea, ang coach ng Philippine Wheelchair Basketball Team na siyang nagdala sa kanya sa national Paralympic team.

Sinabi ni Tapia na lumaki ang suporta ng gobyerno sa mga paralympics athlete nang umupo si Pangulong Duterte noong 2016 at nagbigay ito ng oportunidad sa mga PWD.

“Since 2016, nag-boom ang sports para sa mga PWDs. Sinuportahan talaga yun ni President Duterte at binigyan kami ng opportunity na makapaglaro sa ibang bansa para maipakita ang aming skills at ipaglaban ang Pilipinas — na makita na malakas ang Pilipinas pagdating sa mga PWDs sa iba’t ibang sports katulad ng wheelchair basketball,” sabi ni Tapia.

Ang suporta umanong ibinigay ng Duterte administration ang nagbigay-daan upang sila ay makapaglaro sa ibang bansa at naramdaman umano nila na kapantay sila ng mga normal na manlalaro.

Sa darating na eleksyon susuportahan umano ni Tapia sina BBM at Davao City Mayor Duterte.

“Parang naging equal po kami sa mga normal na atleta kaya gusto ko pong ipagpatuloy ng darating nating administrasyon ni Sara at BBM ang nasimulan ng kanyang ama,” sabi pa ni Tapia.

Noong 2017 ay lumaban ang Pilipinas Warriors sa SEA games at nagwagi ng bronze medal. Sumali rin sila sa 3×3 Wheelchair Basketball na ginanap sa Malaysia at nag-uwi ng silver medal.