Isko

Survey: Isko 67%, Mayor Honey 15%, SV 16%

Edd Reyes Mar 28, 2025
30 Views

NANGUNGUNA sa survey ng OCTA Research si dating mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Biyernes matapos makakuha ng 67% voters’ preference.

Isinagawa ang survey mula Marso 2 hanggang 6 kung saan nanguna ng malaking porsyento si Domagoso sa anim na distrito ng Maynila, malayo sa kanyang mga katunggali na sina Sam Versoza (SV) na may 16% at incumbent Mayor Honey Lacuna na may 15%.

Muling tumakbo sa pagka-alkalde si Domagoso na may platapormang pagbabalik ng kalinisan, disiplina, kaayusan, pagkakaloob ng pangunahing serbisyo at maayos na pamamahala.

Umani ng papuri si Domagoso sa kanyang mga programa at proyekto gaya ng vertical housing, modernong ospital at digital innovations tulad ng Go Manila app na hanggang ngayon pinakikinabangan ng mga mamamayan.

Isinulong din niya ang modernisasyon ng pampublikong edukasyon at pagtatayo at pagkukumpuni ng maraming pampublikong paaralan.

Suportado ang dating alkalde ng iba’t-ibang malalaking grupo at organisasyon kabilang ang Kababaihan ng Maynila, KABAKA, Kaagapay ng Manileño at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

Tiniyak ng kanyang ka-tandem na si Chie Atienza na makakaasa ang mga Manilenyo na magiging mabisang bise-alkalde siya dahil ibubuhos ang suporta kay Domagoso.