Calendar

Suspek na himas-rehas sa holdap, tiklo pa sa pagnanakaw
SA Antipolo City Jail natunton ng mga pulis-Valenzuela ang suspek sa pagnanakaw at doon na isinilbi sa suspek ang warrant of arrest noong Sabado.
Nakatanggap ng impormasyon si Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban na naaresto ng Antipolo police si alyas Mando, 44, dahil sa panghoholdap kaya inatasan ang kanyang mga tauhan na doon na isilbi ang warrant of arrest para sa kasong robbery.
Dakong alas-5:30 ng hapon nang maisilbi ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Emma Matammu ng Branch 260 laban sa akusado, ayon sa report.
May inirekomendang piyansa na P24,000 para sa temporary liberty ng suspek.
Mananatili sa Antipolo City jail ang akusado habang pinoproseso ang pagsasauli ng warrant of arrest sa Valenzuela RTC matapos itong maisilbi sa akusado.
Pinuri ni NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang Valenzuela police sa pagtugis sa suspek.