Robbery Arestado ng mga pulis ang suspek sa pangnenenok sa isang apartment sa Sampaloc, Manila.

Suspek sa nenok nalambat

Jon-jon Reyes Mar 20, 2025
21 Views

NAHULI ng mga pulis ang binata matapos mang-nenok ng laptop, cellphone at pera sa Unit 18, 6th floor ng isang building sa 52 Dos Castillas St., Brgy. 456, Zone 45, Sampaloc, Manila noong Miyerkules.

Nakilala ang suspek na si alyas Kakay, 22.

Ayon sa report, bandang alas-2:00 ng hapon noong Martes habang nasa trabaho ang biktimang si Alnor Hadjizaman, 28, pinasok ng suspek ang inuupahang unit ng biktima.

Nang makauwi ang biktima dakong alas-4:00 ng hapon, doon niya nadiskubre ang pagnanakaw sa kanyang unit.

Nirepaso ang CCTV footage sa main office ng gusali, ayon sa mga pulis.

Naaresto ang suspek at nabawi ang mga gadget na ninakaw nito kabilang ang 1 Asus laptop, P60,000, 1 Xiaomi 12T Phone – P25,000, Apple Watch, P27,000 at Nova 5, P10,000.

Hindi na narekober ang P30,000 na nakuha ng suspek.