Suspek sa rape nakorner matapos magtanong ng direksyon

Edd Reyes Oct 13, 2024
33 Views

NASUKOL ng mga pulis ang 30-anyos na akusado ng panghahalay nang bumalik sa kanilang lugar matapos ang halos tatlong taong pagtatago noong Biyernes sa Navotas City.

Hindi inakala ng akusadong si alyas Nyokis na mga pulis ang kaharap niya nang magkunwaring magtatanong ng direksiyon nang matunton siya sa Galicia Ext., Brgy. Bangkulasi, dakong alas-5:30 ng hapon.

Ayon kay Navotas police chief Col. Mario Cortes, ikinasa ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang pagdakip kay alyas Nyokis nang makatanggap sila ng impormasyon na nagbalik ang akusado makaraang magtago nang umakyat ang kasong panghahalay na isinampa laman sa kanya sa hukuman.

Hindi nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ni Navotas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Cecilia Bunagan Parallag ng Branch 9 Family Court dahil sa kasong rape.

Pansamantala munang nakapiit sa custodial facility ng Navotas Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng hukuman para sa pagdadala sa kanya sa Navotas City Jail.