Calendar
SWS: Walang makain nabawasan
NABAWASAN ang bilang ng mga pamilya na walang makain sa huling tatlong buwan ng Duterte administration.
Ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa mula Hunyo 26-29, nakaranas na walang makain ng isa o ilang beses ang 11.6 porsyento o katumbas ng 2.9 milyong pamilya.
Mas mababa ito kumpara sa 12.2 porsyento o 3.1 milyong pamilya na nakaranas na walang makain sa survey noong Abril at sa 11.8 porsyento na naitala noong Disyembre 2021.
Mas mataas naman ito sa 10 porsyento o 2.5 milyong pamilya na naitala noong Setyembre 2021 at sa 9.3 porsyentong average noong 2019 o bago ang COVID-19 pandemic.
Pinakamarami ang nagsabi na naranasan nila na walang makain sa Metro Manila (14.7 porsyento), na sinundan ng Mindanao (14.0 porsyento), iba pang bahagi ng Luzon (11.9 porsyento) at Visayas (5.7 porsyento).
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,500 respondent na edad 18-anyos pataas. Mayroon itong sampling error margins na ±2.5 porsyento.