Christine

Taga-Batangas nalibing ng buhay sa gumuhong lupa, hinuhukay pa

68 Views

PATULOY ang ginagawang paghuhukay ng rescue and retrieval operations team sa isang lalaki na nalibing ng buhay sa gumuhong lupa sa kasagsagan ng bagyong Kristine sa Barangay Ping-as, Alitagtag, Batangas, ayon sa report.

Ang biktimang kinilalang si alyas Bernaldo ay napag-alamang natutulog sa loob ng kayang bahay nang gumuho ang lupa.

Natabunan ng putik at mga sanga ng puno si Bernaldo.

Samantala, natagpuan sa Tanauan City ang bangkay ng di pa kilalang lalake bandang 9 a.m. Miyerkules sa Barangay Pantay Matanda.

Ayon sa imbestigasyon, ang biktima ay nakita ng Barangay Police Security Officer (BPSO) na tumatawid sa hanggang leeg na baha.

Pinaniniwalaang tinangay ng malakas na agos ng tubig ang nasabing lalaki.

Tatlong katao naman ang kaagad nailigtas ng mga nagrespondeng residente sa Brgy. Poblacion. 5, Laurel, Batangas.

Ang mga biktima ay naisugod sa Dr. Malabanan Memorial Hospital, Laurel, Batangas at nakilalalang sina alyas Jannessa, 47, alyas Patricia, 22, at ang dalawang taong gulang si Kyle. Lahat ay residente ng Brgy. Poblacion. 5, Laurel.

Ayon sa report ang mga biktima ay na-trap sa loob ng kanilang bahay nang gumuho ang lupa.

Patay ang isang taga -Brgy. San Rafael, City of Calaca, Batangas na kinilalang si alyas Ariel nang mabagsakan umano ng malaking puno ang kanyang bahay sa lakas ng hangin at ulan na humagupit sa lugar.

Nadala pa ang nasawi na napuruhan na tama sa ulo ng malaking kahoy sa Ospital Ng Calaca, sa City of Calaca, Batangas ngunit idineklarang dead on arrival ni Dr. Marilyn Ambales.