Luya

DA pinapalaki produksiyon ng luya sa PH

Cory Martinez Oct 29, 2024
28 Views

NAMIGAY ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP), ng 100 high quality at disease-free na binhi ng luya sa mga magsasaka sa Porac, Pampanga upang lumaki ang produksiyon ng luya sa bansa.

Ayon kay Joseph Manicad, DA-HVCDP director, layunin ng hakbang na ito ang mapaganda ang ani ng luya at mabawasan ang pagdepende sa pag-aangkat nito.

Sinabi pa ni Manicad na ang mga naturang binhi partikular na ipinamahagi sa mga magsasaka ng Sweet Crystals Integrated Sugar Mill Corporation and Manibaug Farm.

“Patunay ito na ang DA committed sa pagpapalakas ng ating produktibidad sa agrikultura. Tayo isang bansang dependent sa importation—gaya ng bigas.

Tayo rin ay nag-aangkat ng luya. Kaya’t may mga inisyatibo ang ating departamento upang mapalaki ang ating productivity sa luya at matulungan ang ating mga farmer,” ani Manicad.

Nagpasalamat si Lisa Munoz, director ng Sweet Crystals Integrated Sugar Mill Corporation, sa DA dahil sa pagsuporta sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mataas na kalidad na binhi ng luya.

“I’m very honored that we were given seedlings to plant and multiply. Ginger is very important, especially all over the world for its medicinal purposes. This has also been known to be anti-cancer,” ani Munoz.

Sinabi naman ni Porac Municipal Agriculturist Engr. Joceline Buan, kilala ang Pampang bilang nangunguna sa pag-produce ng native na luya.

“Kami ay nagpapasalamat sa DA, dahil itong mga ibinigay na seedlings ay pest-resistant na,” paliwanag ni Buan.

Inaasahang magiging modelo ang pilot ginger seedling distribution sa Pampanga para sa stratehiyang pamamahagi ng butil, pagpapalakas ng agrikultura sa munisipalidad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan, farmer group at pribadong sektor.