Calendar
Taga-CL pinaalalahanan ng DOH: Mag-ingat sa epekto ng oil spill
NAGPAALAALA ang Department of Health (DOH) sa mga residente sa Gitnang Luzon upang manatiling ligtas sa mga epekto ng oil spill kaugnay ng pagtagas ng langis mula sa sunud-sunod na pagtapon ng langis sa dagat sa Bataan.
Ipinaliwanag ni Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) Center for Toxicology and Biomarine Poisoning Head Leslie Garcia na ang oil spill ay tumutukoy sa pagkalat ng langis o krudo mula sa tanker o barko dahil sa aksidente o hindi inaasahang pangyayari habang nasa karagatan.
“Ang langis mayroong kemikal na mapanganib at maaaring makaapekto sa kalusugan ng tao at hayop. Nakapipinsala ito sa mga pinagkukunan ng tubig at maging sa pagkaing-dagat,” aniya.
Maaaring magdulot ang oil spill ng pagduduwal, pag-ubo, pagtaas ng presyon ng dugo, hirap sa paghinga, sakit ng ulo, iregular na tibok ng puso, sakit ng lalamunan, pangangati ng mata,at hirap sa pag-concentrate.
Kung ang langis nadikit sa balat, maaari itong magdulot ng pangangati, pamamaltos, pagkasunog, pamamalat at dermatitis.
Kung nakakain ng mga lamang-dagat mula sa lugar na apektado ng oil spill o nakainom ng tubig mula dito, maaaring makaranas ng pagduduwal, pagtatae, pananakit ng tiyan, pagkairita, pagkawala ng malay at pag-ubo.
Samantala, upang matiyak ng mga residente ang kanilang kaligtasan habang at pagkatapos ng oil spill, binigyang-diin ng DOH ang mga hakbang na dapat gawin.
Una, kung nadikitan ng langis o tar ball sa balat, hugasan ito agad ng tubig at sabon.
Pangalawa, huwag hayaang pumunta ang mga alagang hayop sa mga lugar na kontaminado ng langis.
Pangatlo, siguraduhing maitatapon sa maayos at tamang pamamaraan ang mga basura, debris at mga tira-tirang bagay na apektado ng oil spill.
At panghuli, hugasan ang mga damit na may langis sa karaniwang paraan at iwasang gumamit ng mga matatapang na detergent, solvents o iba pang kemikal.
Bukod dito, ibinahagi rin ng DOH ang mga ipinagbabawal gawin tulad ng paglangoy sa mga lugar na apektado ng oil spill; pagdikit sa sediment, buhangin, lupa o mga bagay na kontaminado ng langis; at paggamit ng tubig na kontaminado ng langis para sa pagkonsumo ng tao o hayop.
Para sa mga katanungan o agarang medikal na tugon, maaaring magpunta sa pinakamalapit na Poison Control Center o makipag-ugnayan sa hotline ng JBLMGH na 0923-411-7107 o (045) 409-6688.