Calendar

Taga-SG nakuha muli backpack na naiwan sa paliparan ng Siargao
IPINAALAM ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na matagumpay nang naibalik sa may-ari ang isang naiwanang backpack sa Paliparan ng Siargao noong Mayo 31, 2025.
Dakong 4:20 PM, isang pulang-itim na backpack ang natagpuang walang bantay sa waiting area ng paliparan. Agad itong iniulat sa Aviation Security (AVSEC) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) units para sa masusing pagsusuri.
Mabilis na tumugon ang AVSEC at EOD teams, isinagawa ang mga pamantayang proseso ng inspeksyon, kabilang ang paggamit ng K9 unit. Ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa ICAO Annex 17 at sa National Civil Aviation Security Programme (NCASP) upang matiyak ang pandaigdigang pamantayan ng pamamahala sa mga banta sa seguridad.
Matapos makumpirma na walang panganib ang naturang bag, isinagawa ng mga awtoridad ang imbentaryo ng laman nito, kabilang ang isang laptop, power bank, mga kamera, at iba pang personal na gamit.
Linggo, Hunyo 1, 2025, matagumpay nang nakuha ng may-ari—isang lalaking mamamayan ng Singapore—ang kanyang backpack.
Pinupuri ng CAAP ang mabilis na pagtugon at koordinasyon ng mga tauhan ng seguridad sa paliparan. Muli ring pinaaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag at tiyaking hindi iniiwanang walang bantay ang kanilang mga gamit sa paliparan.