Calendar
Tagong POGO sa Taguig nabuko, 17 dayuhan kalaboso
NABISTO ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang operasyon ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) nang arestuhin ang puganteng Chinese national araw ng Linggo sa Taguig City.
Sa ginawang pagdakip ng mga tauhan ng CIDG, ang dayuhang si alyas “Chao” sa bisa ng warrant of arrest sa kasong estafa, natuklasan ng pulisya ang operasyon ng POGO sa sinalakay na lugar sa Upper McKinley Hill na nagkukunwaring IT solutions at business process outsourcing (BPO) Company.
Dahil dito ay dinakip ng pulisya ang 17 dayuhan, kabilang ang 12 Chinese, apat na Malaysian, at isang Vietnamese habang ang 83 Filipino na kawani rin dito ay pawang nagpahayag na sila ay mga biktima lamang.
Sa kabila ng depensa ng kompanya na legal ang kanilang negosyong BPO, sinabi ng CIDG na magsisilbing mga testigo ang mga Pinoy na magpapatunay na POGO ang kanilang operasyon.
Natuklasan din ng mga awtoridad na hindi nakalista sa mga dating legal na POGO ang kompanya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at hindi rin ito accredited sa alinmang legal na gaming operators.
Nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling na may kaugnayan sa R.A.10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), at R.A. 11934 (Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act) batay sa inilabas na Executive Order No. 74. May kasamang ulat ni ALFRED DALIZON

