NBI

NBI agent timbog sa panunutok ng baril sa 5 katao sa Parañaque

Edd Reyes Dec 8, 2025
350 Views

TIMBOG ang aktibong miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ireklamo ng panunutok ng baril ng lima katao, kabilang ang dalawang babae, sa Parañaque City.

Hindi na nanlaban si alyas “Bryan” na 31-anyos na stay-in sa punong gusali ng NBI sa Macapagal Avenue, Pasay City, nang dakpin nina Pat. Jervi Loresca, Pat. Ervin Dela Peña at Jhon Rey Lemos, tanod ng Barangay San Antonio, matapos humingi ng tulong ang mga biktima.

Sa ulat na nakarating Lunes ng umaga sa tanggapan ni acting Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, nangyari ang insidente sa San Antonio Avenue, harapan ng Puregold Valley 1, Brgy. San Antonio, Sabado ng alas-2:19 ng madaling araw.

Patungo sa isang karinderya ang mga biktimang may mga alyas na “Michael” na 29-anyos na basketball referee, “Joy” na 27-anyos na store manager, “John” na 20-anyos, “Juneth” na 29-anyos na laundry staff at “Joseph” na 25-anyos na grab rider, pawang mga residente ng Brgy. San Antonio, nang salubungin sila ng suspek, kasama ang mga kaibigan, at sa hindi batid na dahilan ay ikinasa ang baril at itinutok sa mga biktima.

Sa takot ay nagmakaawa si Joy na napasigaw ng, “Kuya, huwag po!” Ang apat niyang kasama ay nagtakbuhan palayo hanggang makahingi ng saklolo sa barangay at pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang isang kalibre .40 Glock na kargado pa ng 13 bala sa magazine.