Yosi

Lalaki di nagbigay ng sigarilyo, dinedo

292 Views

PATAY ang isang lalaki habang nag-iinuman kasama ang ilang kaibigan, matapos pagtulungan ng magkapatid Linggo ng gabi nang hindi nito bigyan ng sigarilyo ang isa sa kanila na kilalang astig sa kanilang barangay sa Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa Rosario Maclang Bautista Hospital ang 43-anyos na biktima na isa umanong sales manager at residente ng San Miguel Street, Area A, Barangay Payatas, Quezon City.

Agad namang naaresto ang magkapatid na suspek na sina alias “Balong” na 27-anyos at walang trabaho, at “Waka” na 31-anyos na garbage collector, kapuwa residente rin ng Brgy. Payatas.

Sa report ng Quezon City Police District Station 6, alas-8:21 ng gabi ng Disyembre 7 nang maganap ang pananaksak sa Gawad Kalinga Compound, Lower Molave, Area B, Brgy. Payatas.

Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang dumating si Balong na kilalang astig sa kanilang barangay at matapang na humingi ng sigarilyo sa una.

Gayunman, hindi ito pinansin ng biktima dahilan upang manggulo ang suspek sa kanilang inuman at naawat lamang ng isang alias “Dumpit” at pinauwi ito.

Umalis ang suspek pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik ito kasama ang kapatid na si Waka at agad na inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang isang kutsilyo.

Naaresto ang magkapatid sa isang follow-up operation.