Malabon mayor kinondena pagpatay sa encoder

Edd Reyes Dec 8, 2025
771 Views

KINONDENA ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang pagakamatay ng 18-anyos na encoder dahil sa pananagasa ng motorsiklo at pamamalo ng baseball bat sa ulo.

Bago mamatay, ilang araw pang comatose sa ospital ang biktima.

Ayon sa alkalde, kinalulungkot niya ang pagkamatay ni Guy Aldrin Gonzales at nakikiramay siya sa pamilya ng biktima.

“Tinitiyak ko sa lahat ng Malabueno na hindi natin papayagang manatiling malaya ang sinumang responsible sa krimeng ito.

Makakaasa kayo na buong puwersa ng batas ang ating ihaharap upang matiyak na ang mga salarin ay mananagot,” sabi ni Mayor Jeannie.

Sinigurado rin ni Mayor Jeannie na bibigyan ng suporta ng lokal na pamahalaan ang pamilya Gonzales, pati na ang pitong buwang sanggol na anak sa live-in partner na si alyas Charlyn.

Nauna ng nadakip ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig si alyas John, 24, na umano’y siyang pumalo ng baseball bat sa ulo ng biktima subalit nakalaya nang magpiyansa sa kasong frustrated homicide.

Nagsasagawa na ng malawakang pagtugis ang pulisya kay alyas John at sa iba pang kasama nito kabilang ang nagmamaneho ng motorsiklong sumagasa sa biktima.