Tahanan

‘Tahanang Pinakamasaya’ pinakamalungkot na?

Eugene Asis Mar 3, 2024
236 Views

SIGN off.

‘Yan ang comment ng isang netizen sa Facebook page ng ‘Tahanang Pinakamasaya’ matapos ang pagtatanghal ng naturang noontime show na ipinalalabas sa GMA7 noong Sabado.

Balitang umiyak ang ilang host ng show kabilang na sina dating mayor Isko Moreno at Paolo Contis sa huling bahagi ng show.

May ilang linggo nang usap-usapan na mawawala na ang programa sa ere, pero ang pagkakaalam ng marami, hanggang Disyembre ng taong ito pa ang kontrata ng TAPE Inc. ng mga Jalosjos sa GMA Network.

Ang problema, balitang mahirap nang bayaran ang diumano’y pagkakautang sa network na nagkakahalaga ng P800M. Kung magpapatuloy pa ang programa, nangangahulugan na lalaki pa ang naturang arrears at baka lalo silang mahirapang magbayad.

Pero nilinaw nila na ang naturang pagkakautang ay hindi naman na-incur sa panahon lamang ng ‘Tahanang Pinakamasaya’ kundi maging sa lumang ‘Eat Bulaga’ pa sa panahon ng Tito, Vic and Joey.

Ang nakapagtataka, kung titingnan ay marami namang commercials ang show, at masasabing kumikita ito. At kung mamigay sila ng papremyo, minsan ay daig pa nila ang mga katapat na noontime shows kaya aakalain ng mga manonood na all is well sa programa.

Ayon sa isang taga-GMA7, magpapatuloy pa rin daw ang pagpapalabas ng show, pero baka raw mga replay na lang ang mapanood simula ngayong Lunes. Maglalabas din daw ng official statement ang TAPE Inc. tungkol dito.

Kung totoo ito ay malaman natin pagpasok ng linggo kung ang ‘Tahanang Pinakamasaya’ ay masaya pa rin o ‘Tahanang Pinakamalungkot’ na. Heartbreaking ang ganitong balita dahil marami ang maaapektuhan, hindi lamang ang hosts kundi pati na rin ang mga nagtatrabaho sa likod ng kamera na mawawalan ng trabaho.

Balitang may isang dating executive ng TAPE na nag-resign (o nag-retire) ang gustong pabalikin ng management upang maging mas maayos na muli ang takbo ng kompanya.

Pero ayaw pa ring magbigay ng komento ng naturang executive na ngayon ay bahagi ng isang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman din sa entertainment. Kung papayag ang executive ay malalaman natin kapag nag-resign naman siya sa kasalukuyang posisyon dahil magkakaroon ng conflict sa kasalukuyang trabaho kung babalikan niya ang dating posisyon sa TAPE.

Maayos pa kaya? Totoo bang ang ipapalit sa kanilang slot kung sakali ay ang ‘It’s Showtime’? O ang ‘Ticktoclock’? Abangan.