Calendar
Tamang presyo na hiling ni Mayor Honey tinugon ng Manila Market
TINUGON ng tanggapan ng Market Administration ang pakiusap ni Manila Mayor Honey Lacuna na dapat tama ang presyo, tama sa timbang at malinis ang mga pangunahing bilihin sa mga pampublikong pamilihan.
Ayon kay Market Administrator Zenaida Mapoy, pangunahing mandato sa kanila ang malinis at maayos ang mga pampublikong pamilihan at tiyakin na ang mga presyong paninda sumusunod sa itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI).
”Araw-araw po ang ating price monitoring, minomonitor din po yan ni Mayora. Gusto niya inire-report namin ‘yun para natitingnan po niya,” pahayag ni Mapoy.
Sabi pa ni Mapoy, tinitiyak din nila na nasa maayos na kalusugan ang mga manininda at kanilang mga helper upang mabigyan ng proteksiyon, hindi lang ang kanilang sarili, ang mga mamimili.
“Hindi lang po sa mga pampublikong pamilihan aktibo ang ating Weights and Measure Section kundi maging sa mga malalaking supermarket, basta kinakailangang timbangin ang produkto, junk shops, at maging mga nagtitinda ng ginto sa Chinatown para hindi malinlang ang mga mamimili,” dugtong pa ni Mapoy.
Nagpasalamat si Mayor Lacuna sa pagsisikap ng mga opisyal at tauhan ng tanggapan ng Market Administration sa maayos na pagtupad sa kanilang mandato lalo na’t dinarayo ng mga mamimili ang Maynila tuwing holiday season dahil sa mga mura at de kalidad na paninda.