Loyzaga

Target ng DENR: 5M puno maitanim hanggang ’28

Cory Martinez Mar 24, 2025
32 Views

TARGET ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makapagtanim ng limang milyong puno sa buong Pilipinas sa loob ng tatlong taon.

Sa paglulunsad ng programang “Forests For Life: 5M trees by 2028,” binigyang diin ni DENR Secretary Antonia Yulo Loyzaga ang kritikal na papel ng aggressive reforestation sa pagresolba sa epekto ng climate change, partikular na ang mga flood-prone at watershed area.

Ayon kay Loyzaga, layunin din ng programa ang pagbawas ng may 3.5 milyong tonelada ng carbon pagdating ng 2038.

Sinabi pa ng kalihim na maraming benepisyo ang makakamit sa inisyatiba.

Kabilang dito ang pagpapaganda ng biodiversity, pagpapahusay ng mga water resources, mababawasan ang soil erosion at pagpapalakas sa kabuhayan ng mga komunidad.

“The restoration of our forests is an urgent climate action strategy. Enhancing reforestation in priority areas will secure water supply and fortify the country’s defenses against flooding and landslides,” ani Loyzaga.

Kabilang sa mga pilot site ng Forests For Life initiative ang Ilocos Norte, Rizal, Bataan, Bukidnon at Lanao del Norte.

Magsisimula ang programa ngayong 2025 sa pamamagitan ng site preparation, partner mobilization, seedling production at plantation establishment.

Sa 2026 tutuon naman ang programa sa plantation establishment, maintenance at protection na magpapatuloy hanggang 2027.

Sa 2028, sa maintenance at protection naman nakatuon ang programa kabilang na ang program evaluation at documentation upang ma-assess ang epekto nito at matiyak ang katatagan.

Matuturing na isang whole-of-society approach ang Forest For Life Initiative na kung saan binibigyang halaga na ang mga forest ecosystem magkakakonekta upang matiyak ang food security at sapat na suplay ng tubig, maiwasana ng soil erosion, mabawasan ang matinding pagbaha, makapagtayo ng matatag na komunidad, ma-absorb ang carbon dioxide upang malabanan ang climate change.

Pagsasamahin ang pagsisikap ng iba’t-ibang stakeholder upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng naturang programa.

Kabilang sa mga uri ng puno na itatanim ang mga dipterocarp species tulad ng Yakal-Saplungan and Palosapis at non-dipterocarp species gaya ng Dao, Lamio, Kalumpit, Bagras, Kalantas, Agoho, Antipolo, Bagalunga, Banlag, Bitaog, Bogo, Kupang, at Talisai-gubat.

Sinabi pa ni Loyzaga na nararapat na ipatupad na agad ang reforestation effort bilang estratehiya laban sa kritikal ng climate change dahil umaabot na sa 6.8 milyong ektarya ng watershed area ang nangangamba nang makalbo at masira at 1,955 barangay naman ang natukoy na vulnerable sa pagbaha at landslide.

Bilang bahagi ng Expanded National Greening Program (ENGP), irerehabilate din ng DENR ang libo-libong ektarya ng degraded land na may target namang pagtatag ng may 15,508 hectares na bagong plantations, pag-produce ng 7.88 milyong seedlings at ang maintenance ng 44,861 ektarya ng reforested areas.

“Our forests and watersheds are our first line of defense against climate change.

Through science-driven policies, advanced technologies, and multi-stakeholder collaboration, we are transforming the idea of climate resilience into reality,” sabi ni Loyzaga.