Yedda

TINGOG Party List Group namahagi ng tulong para sa mga naging biktima ng oil spill sa Oriental Mindoro

Mar Rodriguez Apr 17, 2023
161 Views

NAMAHAGI nang tulong ang TINGOG Party List Group sa Kamara de Representantes para sa mga naging biktima ng “oil spill” sa Oriental Mindoro sa pamamagitan ng pamimigay nito ng pinansiyal na tulong katuwang ang administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sinabi nina TINGOG Party List Representatives Jude A. Acidre at Yedda Marie K. Romualdez na namahagi sila ng tig ta-tatlong libong pisong (P3,000) cash assistance sa anim na daang (600) oil spill victims sa Oriental Mindoro sa pamamagitan ng tanggapan ni House Spaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.

Ipinabatid ni Acidre na magbibigay din ang tanggapan ni Speaker Romualdez ng P500,000 calamity fund para sa distrito ni Negros Oriental 1st Dist. Congressman Arnan C. Panaligan katuwang ang Marcos, Jr. administration at si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian.

Ipinaliwanag pa ni Acidre na mula ang P3,000 cash aid sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD na nagbibigay ng kaukulang tulong para sa mga naging biktima ng kalamidad sa bansa.

Ayon kay Acidre, ang kanilang tanggapan kasama si Congresswoman Romualdez ang nag-proseso upang maipalabas o mai-release ang financial aid na ipinamahagi sa mga naapektuhan ng nangyaring pagtagas ng langis sa Oriental Mindoro.

Ikinagalak naman ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang naging pagkilos ng tanggapan ni House Speaker Romualdez para matulungan ang pobreng mamamayan ng Oriental Mindoro na naapektuhan ng naganap na oil spill.

Sinabi ni Romero na nakikiisa ang 1-PACMAN Party List sa pagpapa-abot ng tulong para sa mga mamamayan ng Oriental Mindoro na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa naganap na trahedya.

Ipinaliwanag ni Romero na bukod sa pagpapanagot sa mga naging responsable sa naganap na oil spill. Napakahalaga din aniya na maipa-abot ang kinakailagang tulong para sa mga mamamayan ng nasabing lalawigan. Sapagkat lubhang naapektuhan ng oil spill ang kanilang kabuhayan.