Calendar

Tourist pulis sinagip nalulunod na mangingisda sa Cebu
ISANG tourist police sa Cebu ang tinanghal na bayani matapos sagipin sa tiyak na kamatayan ang isang mangingisda na malapit nang malunod, matapos tumaob ang bangkang sinasakyan niya sa laot noong nakaraang Marso 18.
Base sa ulat, si Police Staff Sergeant Junrey Terana ng Cebu Police Provincial Office ay nagsasagawa ng regular shoreline patrol sa Barangay Maravilla sa munisipalidad ng Tabuelan nang siya at ang kasama niyang si PSSgt. Reenah Marie Lumbab ay lapitan ng mga residente at hingan ng tulong upang sagipin ang mangingisdang nahihirapan nang lumangoy dahil sa pagod matapos tumaob ang kanilang bangka.
Agad na rumesponde si Terana at hindi nagdalawang-isip na lumangoy at sinalubong ang malalakas na alon para sagipin ang biktima. Matapos nito, agad siyang nagbigay ng paunang lunas habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya.
“Ito ang ibig sabihin ng tunay na serbisyo na may puso,” pahayag ni PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil matapos mabalitaan ang kabayanihang ipinamalas ng tourist cop mula sa Cebu.
“Ipinakita ni PSSg Terana ang katapangan at dedikasyon na dapat taglayin ng bawat pulis — laging handang magsakripisyo para sa kapwa. Ang ganitong kabayanihan ay paalala sa atin na walang hangganan ang serbisyo publiko, lalo na kung buhay ang nakataya,” ayon sa hepe ng Pambansang Pulisya.
Kasunod nito, muling binigyang-diin ni Marbil ang kahalagahan ng pagiging alerto at handa, lalo na ngayong summer season kung saan marami ang nagtutungo sa mga beach at karagatan.
“Sa lahat ng nag-e-enjoy ngayong tag-init, pakiusap namin — unahin ang kaligtasan,” ayon sa pinuno ng PNP.
“Magsuot ng life vest, alamin ang lagay ng panahon, at huwag mahiyang lumapit sa aming mga pulis kung kailangan ng tulong. Laging handa ang PNP na magserbisyo,” kanyang pahayag.
Pinuri rin ni Marbil ang Tourist Police Unit sa kanilang dedikasyon na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga coastal areas, at higit sa lahat, sa kanilang mabilis na pagtugon sa mga insidente.
“Ngayong summer, mag-enjoy tayo nang may pag-iingat at magtulungan sa pagbabantay sa isa’t isa. Tunay na karangalan para sa PNP ang magkaroon ng mga pulis na gaya ni PSSg Terana — bayani, may malasakit, at tapat sa tungkulin,” kanyang sinabi.
“Patuloy na nagpapaalala ang PNP sa publiko na laging handang maghatid ng serbisyo ang ating kapulisan. Huwag mag-atubiling lumapit sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, o tumawag sa kanilang mga hotline numbers, lalo na sa oras ng pangangailangan,” ayon sa PNP chief.