Bakbakan Bakbakan sa Ilocos Sur.

Toyogon, Tejones matira ang matibay sa Ilocos

Louis Pangilinan Feb 14, 2022
452 Views

ISASAGAD na nina boxing prodigy Al Toyogon at kalabang Joe Tejones ang kanilang natipong lakas matapos ang ilang buwang pag-eensayo sa pinaka-aabangang “Bakbakan sa Ilocos Sur” pro boxing, muaythai at mixed martial arts tournament sa Quirino Stadium, Bantay, Ilocos Sur.

Ang naturang sagupaan ay inihahandog ni Gov. Ryan Luis V. Singson sa tulong ng Elorde Boxing Promotions sa pamumuno ni Maria Laureta Elorde bilang bahagi ng week-long na pagdiriwang ng Kannawidan 2022,.

May patnubay ng Games and Amusement Board (GAB), sa pangunguna ni Chairman Abraham “Baham” Mitra at commissioners Eduard Trinidad at Mar Masanguid ang nasabing kumpetisyon.

“Maganda po at mayroon tayong isang lugar at kasamahan na gaya ni Gov. Ryan na patuoy na nagmamahal sa sports, partikular sa boksing,” pahayag ni Mitra.

“Sana lahat ng gobernador gaya niya na may malasakit sa sports. Kami naman po sa GAB ay umaasang magkaroon tslayo ng mas maraming Philippine champions, ” dagdag pa ni Mitra, na dating congressman at governor ng Palawan.

Parehong pasok sa itinakdang timbang sina Toyogon, 24 -anyos, ng Boxing Elorde Ilocos Sur, na 135 lbs.; at Tejones, na tumimbang sa 133.4 lbs para sa 10- round na sagupaan.

“Sakto ang paghahanda ko sa labang ito, kaya matira na lang ang matibay sa amin ni Joe (Tejones). Nagpapasalamat ajo sa ating Governor, kay Sir Ryan (Singson), na.talagang buhos ang suporta niya sa amin,” pahayag ni Toyogon, na may rekord na 11-6-1 at sa pangangalaga ni coach Rex Tito.

“Excited na tayong makita ang sagupaan ng ating mga bata at naniniwala tayong magiging matagumpay ito sa tulong na rin ng ating mga kasamahan, gayundin kay Chairman Baham, “ani Gov. Singson.

Inaabangan din ng kanyang mga kababayan sa Sabang, Cabugao, Ilocos Sur ang paglarga ni Eusebio Corotan Jr., para itaya ang malinis na 3-0 baraha kontra Josaphat Navarro sa bantamweight division.

“Chance ko na po ito na muling maipamalas ang aking talento kaya gagawin ko ang lahat para manalo, ” bulalas ng 18- anyos na prodigy ng Ilocos na si Corotan.

Pokus din ang madla sa iba pang pares ng banggaan sina Jules Victoriano vs Dave Barlas; Ranelio Duizo vs. Philip Cuerdo; Melvin Mananquil vs. Reymark Alicaba; Aljun Peliseo vs Fernan Agencia; Bryan Tamayo vs Ardel Romasasa; Gary Tamayo vs Jeffrey Francisco; Jover Amistoso vs. Justine Polido; Jonniel Laurente vs Jufel Salina; Elmar Zamora vs Carl Jeffrey Basil; Alexander Almacen vs Benson Awidan; at Ali Canega vs Menard Abila.

Hindi rin paawat ang giyera sa pro muay thai sina Adrian Jay Batoto at Mark Joseph Abrillo ng Las Piñas.

Kapanapanabik din ang dumugan para sa nag-gagandahang MMA female fighters na sina Florivic Montero vs Mary Glyde Elizabeth , Pro MMA (49kg); Richard Lachica vs Daryl Mayormita, Pro MMA, (63kg.); at Rosemarie Recto vs Gretel Depaz Pro Muay Thai (130lbs).

Magsisimula ang salpukan, na alay din ng mga isponsor gaya ng Kawadan, RLVS, Fairtex, Lightwater at iba pa,sa alas-4 ng hapon.