MPD

Traffic enforcer sinikmuraan, binantaan; 2 MPD parak sibak

Edd Reyes Jun 10, 2025
31 Views

SINIBAK sa tungkulin ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang dalawang pulis-Maynila na umano’y nag-maltrato at nagbanta sa traffic enforcer sa Valenzuela City.

Pinuri nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at Commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan ng National Police Commission (Napolcom) ang PLEB, sa pangunguna ni Councilor Ricar Enriquez, sa kanilang desisyon na nagpapanagot kina P/SSgt. Ernesto Camacho Jr. at P/SSg. Robert Cabudoy Jr. ng Manila Police District (MPD) sa kasong conduct unbecoming of a police officer.

Nangyari ang insidente noong Hulyo 14, 2024 sa M.H. Del Pilar, Brgy. Mabolo pasado alas-4:00 ng umaga nang tangkaing sitahin ng 42-anyos na traffic enforcer na si Ronald David ang dalawang pulis na magka-angkas sa motorsiklo na walang helmet.
Hindi pa man nakakababa sa kanyang motorsiklo si David nang lapitan na siya ng naka-angkas na si Camacho at tinusok ng hawak na baril sa sikmura na dahilan para matumba ang kanyang motorsiklo dahil sa pamimilipit sa sakit.

Bumaba rin sa motor si Cabudoy at tinutukan ng baril ang biktima sabay sabing: “Gusto mo patayin na kita rito?”

Naawat lang ang dalawa nang dumating ang kanilang kasamang si P/Cpl. James Dela Pena na siyang namagitan at tumulong sa biktima para makaalis na sa lugar.

Ang kabuuan ng insidente ay nakuhanan ng nakakabit na CCTV sa lugar na ginamit na ebidensiya sa pagpapataw ng kasong administratibo sa laban sa dalawa.

Napaglaman na bukod sa kasong administratibo, pinatawan din ng Metropolitan Trial Court ng parusa sina Camacho at Cabudoy sa kasong kriminal na may katapat na pagkakakulong at pagbabayad ng danyos.