Abalos

Transport groups todo suporta kay Abalos

Jun I Legaspi Apr 7, 2025
23 Views

ILANG transport groups at urban poor organizations ang nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Benhur Abalos Jr. bilang senador.

Mahigit 300 lider at miyembro mula sa Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Inc. (LTOP Inc.), Stop and Go Transport Coalition, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Pasang Masda, ang kamakailan lamang nagtipon upang ipahayag ang kanilang suporta kay Abalos.

Nagsilbi si Abalos bilang legal counsel para sa iba’t-ibang samahan ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA).

Kamakailan lamang nakipagpulong si Abalos kay Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II upang itulak ang agarang pamamahagi ng fuel subsidies para sa mga TODA at jeepney drivers.

Ang suporta mula sa mga urban poor groups pinagtibay sa isang pangkalahatang asembliya sa Taytay, Rizal noong Abril 4.

Kabilang sa mga lumahok na organisasyon ang Bahangunian (Laguna), Maharlika Homeowner’s Association–Taytay, Bagong Pag-asa Homeowners’ Association – Taytay, Samahang Magkakapitbahay ng Velederama Inc. (Maynila), Samahang Magkakapitbahay sa Juan de Moriones (Maynila), Nagkakaisang Mamamayan sa Pasong Putik (Quezon City), Samahan ng Maralitang Magkakapitbahay ng Delpan Island (Maynila), ULAP Dona Soledad Imelda Federation (Quezon City), Alliance of People’s Organization along Manggahan Floodway (Pasig), at marami pang iba mula sa Taguig, Montalban, at San Mateo.

Binigyang-diin ni Abalos ang kanyang malalim na koneksyon sa mga nasa grassroots at ibinahagi niya na “Ang aking lola kasambahay, ang lolo ko hardinero. Ako’y galing sa daycare ng barangay kaya alam ko ang hirap sa baba.”

Noong siya’y alkalde ng Mandaluyong, pinangunahan ni Abalos ang isang matagumpay na inisyatiba sa pabahay na nagbigay ng disenteng tirahan para sa humigit-kumulang 7,700 mahihirap na pamilya.

Patuloy na nakatuon ang kanyang mga panukalang batas sa pagtugon sa mga pangunahing suliranin ng mga marginalized na komunidad.

Kabilang sa kanyang mga mungkahi ang pagtanggal ng value-added tax (VAT) sa kuryente at ang pag-aalis ng buwis sa produktong petrolyo na ginagamit para sa power generation upang mapababa ang gastos, lalo na sa mga lugar na madalas makararanas ng brownout.

Sa larangan ng agrikultura, itinutulak ni Abalos ang mga patakaran na magbibigay ng komprehensibong suporta para sa mga magsasaka, kabilang ang madaling pag-access sa pautang, pinalawak na crop insurance, bawas-buwis at mga scholarship para sa kanilang mga anak.

Hinikayat din niya ang pagpasa ng National Land Use Act upang maprotektahan ang mga lupang pansakahan at mapalakas ang seguridad sa pagkain.

Binigyang-diin ni Abalos ang pangangailangang amyendahan ang Rice Tariffication Law upang bigyang-lakas ang National Food Authority (NFA) na hindi lamang direktang makabili ng palay mula sa mga magsasaka kundi pati na rin upang maibenta ito sa abot-kayang presyo para sa mga mamimili.

Nais din niyang baguhin ang Local Government Code upang palakasin pa ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan, na kanyang inilalarawan bilang “the frontline of service delivery.”