Calendar
Tricycle driver pinagbabaril sa minamanehong sasakyan, patay
NIRATRAT ng hindi pa kilalang salarin ang 38-anyos na tricycle driver habang tinatahak ang kahabaan ng Maharlika Highway madaling araw ng Lunes sa Tiaong, Quezon.
Dedo kaagad ang biktima na residente ng Barangay Pahinga Norte, Candelaria, Quezon, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at kung ilan ang mga suspek.
Batay sa ulat, nagpapatrulya sina Pat. Emmanuel Castillo ng Tiaong Municipal Police Station nang ipabatid sa kanila ng isang motorista na may pinagbabaril na tricycle driver sa bahagi ng Maharlika Highway, Brgy. Talisay sa naturang bayan dakong ala-1:30 ng madaling araw.
Nang magtungo ang mga pulis sa naturang lugar, dinatnan nila ang duguang bangkay ng biktima sa kanyang minamanehong tricycle na may plakang 7297 BZ na may bakas ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagsasagawa na ng backtracking ang pulisya sa kuha ng mga CCTV sa Maharlika Highway at sa kalapit na lugar na makatutulong sa paglutas sa krimen, habang wala pang alam na motibo ang mga imbestigador sa ginawang pagpatay.

