QCPD

Miyembro ng QCPD arestado sa holdup

269 Views

INAMIN umano ng isang aktibong pulis na siya ang nangholdap sa isang convenience store sa Quezon City.

Ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na may ranggong patrolman at miyembro ng QCPD ay inaresto sa loob ng Camp Karingal habang naka-duty, bandang alas-9:35 ng umaga nitong Linggo.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang pagkakadakip sa suspek ay kasunod ng reklamo ng isang branch ng 7/11 na hinoldap ng suspek noong Oktubre 23 bandang ala-1 ng madaling araw sa Banawe Street ng nabanggit na lungsod.

Hinoldap umano ng suspek na pulis ang convenience store at tinutukan ng baril ang cashier. Nakuha ng suspek ang nasa P2,000 kita ng convenience store saka agad na tumakas sakay ng kanyang motorsiklo.

Aminado naman ang suspek sa kanyang ginawa at sinabing nagsa-sideline siya bilang ride-hailing app driver dahil sa problema sa pera.

Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang suspek na pulis.