Calendar
Tricycle driver utas sa RIT
PATAY agad ang lalaking tricycle driver matapos bistayin ng bala ng nakatakas na riding-in-tandem (RIT) suspects noong Sabado sa Capulong Highway corner Mata St., Barangay 108, Tondo, Manila.
Nakilala ang biktima na si Federico Obeda at hindi naman nahuli ang mga suspek na ang isa’y may suot na pink jacket at pink na cap.
Ayon sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, binaril ang biktima bandang alas-1:40 ng madaling araw.
Kalalabas lang ng bahay ng biktima para mamasada ng tricycle nang sumulpot ang mga gunman na lumapit sa biktima.
Nang mamataan ng biktima ang suspek, napaatras pa ang lalaki at ilang saglit pa ay magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw.
Anim na basyo ng bala ang nakita ng mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives ng MPD sa pinangyarihan ng krimen.