Drug

Trillanes sa mga sabit sa war on drugs: Pagpapanagot sa inyo nalalapit na

149 Views

BUMABALIK lang sa kanila yung mga ginawa nila. Hindi ba kayo nag-isip noong naging instrumento kayo nung mga laganap na patayan sa Pilipinas? Hindi niyo naisip na may accountability ‘yan? Na babalik sa inyo ‘yan?”

Ito ang sinabi ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes sa mga naging kasabwat umano ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpapatupad ng madugong war on drugs kung saan libu-libo ang nasawi.

Si Trillanes ang isa sa mga unang naghain ng reklamo laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Naniniwala si Trillanes na dumating sa bansa ang mga imbestigador ng ICC at natapos na ng mga ito ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng war on drugs.

“Ang tantiya ko, ang aking educated guess, ay tapos na sila sa kanilang investigation … sa crimes against humanity. Ang aking educated guess ay natapos na ang kanilang investigation sa mga pangunahing akusado. Nagawa na nila yung kanilang dapat gawin sa bansa,” ani Trillanes.

“Ang aking tantsa ay finishing touches na ‘yung kaso for some of the principals. Yung iba naman, yung mga nasa secondary level ay bini-build up na o patapos na,” dagdag pa nito.

Naniniwala si Trillanes na nakuha na rin ng ICC probers ang testimonya ng self-confessed hitman na si Arturo Lascañas, isang dating pulis na bahagi ng “Davao Death Squad” ni Duterte.

“As far as Lascañas and the other witnesses are concerned, sa aking educated guess lahat sila ay tapos na ‘yun,” sabi pa ni Trillanes.

Naniniwala si Trillanes na noon pang Pebrero 2023 nagsimulang mangalap ng ebidensya at testimonya ng mga saksi ang mga imbestigador ng ICC upang mabuo ang isang matibay na kaso laban kay Duterte at kanyang mga kasabwat.