bro marianito

Tulad ni Hesus huwag sumuko para a mga taong makasalanan gaya ng puno ng Igos (Lucas 13:6-9)

367 Views

“Ngunit sumagot ang tagapag-alaga. Huwag po muna nating putulin ngayon, huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol”. (Lucas 13:8-9)

MAYROON kaming babaeng kapit-bahay nuong araw na napaka-higpit sa kaniyang mga anak. Ang paraan ng kaniyang pagdi-displina ay masyadong napaka-drastiko at marahas. Ito’y ginagamitan niya ng pananakit at pamamalo sa tuwing nagkakamali ang kaniyang mga anak.

Ang katuwiran kasi ng kapit-bahay namin na ang pangalan ay Aleng Linda na ang kaniyang pamamalo sa mga sutil niyang anak ang mag-tutuwid sa kanilang baluktot na pag-uugali. Naniniwala siya na ito ang solusyon para tumino ang mga pasaway niyang mga anak.

Ngunit ano nga ba ang ibinunga ng kaniyang paniniwala at pamamaraan ng pagdi-disiplina? Tumino ba ang kaniyang mga anak gaya ng kaniyang pinaniniwalaan? Hindi, sa halip pa nga ay mas lalo pang nag-rebelde at naging pasway ang kaniyang mga anak.

Ang pagtutuwid sa isang taong nasasadlak sa kasalanan, pasaway at sakit ng ating ulo ay hindi kailangang gamitan ng puwersa o karahasan kung nais nating mabago ang kaniyang buhay. Kailangan tayong maging mahinahon at mag-baon ng maraming pasensiya.

Ganito ang mensaheng ibinibigay sa atin ng Ebanghelyo (Lucas 13:6-9) patungkol sa talinhaga ng puno ng igos. Kung saan, matutunghayan natin sa kuwento ang pagkakataon na ibinibigay ng may-ari ng ubusan para mamunga ang puno ng igos.

Maihahalintulad din tayo sa isang puno ng igos katulad ng inilalahad sa kuwento. Sapagkat binibigyan din tayo ng pagkakataon ng Panginoong Diyos para mamunga o magbagong buhay mula sa ating mga kasalanan at maituwid ang ating mga pagkakamali.

Si Hesus ay katulad ng hardinero o tagapag-alaga ng ubasan sa Pagbasa, hindi niya tayo sinusukuan at patuloy na ginagabayan sapagkat ayaw niyang mapahamak ang ating kaluluwa pagdating ng araw. Kaya matiyaga niya tayong inaalagaan katulad sa puno ng igos. (Verse: 8)

Ang kaniyang mga Salita sa Bibliya at mga Pagbasa ang mistulang “fertilizer o abono” upang tayo’y lumago at mamunga na parang isang halaman o puno. Ito rin ang nagbibigay sa atin ng kalakasan para tumibay ang ating pananampalataya sa Panginoon.

Ang Panginoong Hesus ay hindi kagaya ng may-ari ng ubasan na marahas agad ang pagpapasya nang hindi nito makitang namumunga ang puno ng igos sa kaniyang ubasan. Nais nitong ipaputol agad ang puno dahil nakakasikip lamang. (Lucas 13:7)

Kagaya sa estilo at sistema ng padi-displina ng kapit-bahay namin na si Aleng Linda na ginagamitan agad nito ng kapusukan dahil sa kagustuhan nitong maituwid ang pagkakamali ng kaniyang mga anak.

Subalit hindi ganoon ang estilo ni Kristo, ang ating Panginoon ay isang mabuting ama, hindi niya basta-basta pinarurusahan ang mga anak niyang ayaw sumunod sa kaniyang utos, hindi niya tayo puputulin na parang puno ng igos na walang pakinabang.

Laging naghihintay ang Panginoong Hesus sa mga alibughang anak niya na napapariwara ang buhay at naliligaw ng landas para muling magbalik loob sa kaniya. Ang kailangan lamang natin gawin ay manampalataya at magtiwala sa kaniya.

Sapagkat sa kabila ng mga naging pagkakasala natin. Biibigyan parin tayon ng pagkakataon ng Diyos na magbalik loob sa kaniya. Hindi titigil at magsasawa ang Panginoon hanggang sa tayo’y mamunga sa pamamagitan ng bagong buhay at bagong pag-asa.

Ang tingin ng ilan sa atin sa mga taong nasa loob ng kulungan o bilangguan ay mga taong patapon at wala ng pag-asa. Ngunit sila’y tulad din ng puno ng igos na binibigyan pa rin ng pagkakataon ni Hesus para mamunga sa kabila ng mga naging kasalanan nila.

Para kay Hesus, ang lahat ng mga nagkakasala at makasalanan ay pagkakataon para magbagong buhay o mamunga gaya ng puno ng igos. Sapagakat hangad niya makapiling natin siya duon sa kaniyang Kaharian. Hindi niya nais na mapahamak ang isa man sa atin.

MANALANGIN TAYO:

Panginoong Hesus. Turuan mo po kaming maging tulad mo na mahinahon at hindi sinusukuan ang mga taong makasalanan. Nawa’y matutunan din namin ang magmalasakit at alagaan sila gaya ng puno ng igos hanggang sa sila’y tuluyang magbalik loob sayo.

AMEN