Tulfo

Tulfo nababahala sa mga reklamo vs palpak na RFID

67 Views

NABABAHALA si Senate Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo sa mga reklamo tungkol sa palpak na radio frequency identification (RFID) system sa mga expressways na sanhi ng buhol-buhol na traffic.

Naghain si Tulfo ng Senate Resolution No. 1060 para mapa-imbestigahan at mapanagot kung sino sa Toll Regulatory Board (TRB) at mga toll expressway operators ang may pagkukulang. Sinabi ni Tulfo na ipapatawag niya agad ang pagdinig pagtapos ng Senate recess ngayong Hulyo.

Sa kasalukuyan, maraming RFID tags ang hindi nababasa ng mga scanner dahil sa reader malfunction o maling pagkakalagay sa posisyon ng mga ito.

Para maresolba ang isyu, tinawagan ni Tulfo si Atty. Alvin Carullo, Executive Director ng TRB, para imungkahi na sa oras na mag-malfunction ang RFID reader, tatlong sasakyan pa lamang ang nasa pila sapilitan na dapat itaas ang barrier at libre na dapat makaraan ang mga motorista habang inaayos ito.

Hinimok din ni Tulfo ang TRB na ipatupad na ang barrier-less na sistema sa mga expressway.

Nangako si Carullo na isa ito sa kanilang pag-uusapan sa TRB meeting para sa agarang aksyon.

Napansin din ni Tulfo na dagdag pasakit sa mga motorista ang mga insidente kung saan hindi sila nakakapasok agad sa expressway dahil sa zero balance kahit na kalo-load lang nila.

Dahil dito, napipilitan silang mag-reload ng RFID sa ikalawang pagkakataon at paghihintayin pa kadalasan ng dalawang araw o higit pa para ma-refund ng toll operators ang amount na hindi nag-reflect sa kanilang accounts.

Inirekomenda ni Tulfo sa TRB na magpataw ng mas mataas na multa at mas istriktong parusa sa mga toll operators sa bawat paglabag nila at pagbibigay perwisyo sa mga motorista.

Nangako si Carullo kay Sen. Idol na mareresolba nila ang mga isyu sa RFID ngayong Oktubre 2024 kaya sinabi ng senador na aasahan niya ito.

Naghain si Tulfo ng Senate Resolution No. 1060 para mapa-imbestigahan at mapanagot kung sino sa TRB at mga toll expressway operators ang may pagkukulang. Sinabi ni Tulfo na ipapatawag niya agad ang pagdinig pagtapos ng Senate recess ngayong Hulyo.