Tulfo

Tulfo nabahala na maaring magpatuloy rotational brownout sa Panay, Negros

183 Views

NABAHALA si Sen. Raffy Tulfo sa balitang posible pa ring mapatuloy ang rotational brownout hanggang sa mga susunod na araw sa Panay at Negros.

Ayon kay Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Energy, unang may nagsabi sa kanya na ang dahilan ng nasabing brownout ay ang line fault or tripping sa mga transmission line ng National Grid Corporation (NGCP), pero nang makausap niya ang NGCP ay sinisisi naman nito ang Central Negros Electric Cooperative (CENECO).

“Nakakalungkot malaman na posible pa ring mapatuloy ang rotational brownout hanggang sa mga susunod na araw sa Panay at Negros. Tinawagan na namin ang DOE (Department of Energy) at ERC (Energy Regulatory Commission) para paimbestigahan ang problema at kung sino talaga ang pinag-ugatan dahil nagtuturuan ang NGCP at CENECO. Samantalang tuloy-tuloy ang ginagawa kong monitoring at pakikipag-ugnayan sa NGCP at CENECO hinggil sa sitwasyon at para hanapan na rin ito ng permanenteng solusyon,” dagdag nito.

Kinwento ni Tulfo na nakatanggap siya ng impormasyon na ang pinagmulan daw ng malawakang brownout simula pa noong April 27 sa Panay at Negros ay ang linya ng NGCP kaya agad agad siyang nagbuo ng investigation at monitoring team para matutukan ang kaso. Ora mismo, ay tinawagan ni Tulfo at ng kanyang team, ang NGCP sa pamamagitan ng conference call at humingi ng paliwanag.

Ayon aniya sa NGCP, wala raw sa kanila ang problema kundi nasa CENECO dahil mula raw sa linya ng CENECO ang pinag-ugatan ng tripping o line fault at nagkaroon daw ng domino effect kaya pati ang linya nila ay nadamay at umabot hanggang sa Panay.

Dagdag pa daw ng NGCP, sa mga ganitong pagkakataon, pag may nag-trip na linya ay dapat daw mayroong mga protection system para hindi kumalat ang fault.

Gumana naman daw ang kanilang protection system pero sa mahabang pagpapaliwanag ng NGCP, kinwestyon pa din ni Tulfo kung bakit nadamay pati ang Panay na hindi na sinusupplyan ng CENECO.

Mabilis na tinawagan din ni Tulfo ang CENECO. Ayon naman sa CENECO, nagkaroon daw ng voltage fluctuation at frequency imbalance sa 69kV line na nasa ilalim ng pamamahala ng NGCP.

Apektado dito ang MORE, GUIMELCO, ILECO 1, ILECO 2, ILECO 3, ANTECO, CAPELCO and AKELCO na inamin naman daw sa kanila ng NGCP noong April 28 at nagbigay ng warning na nagkakaroon daw ng short supply sa grid kaya pinatakbo ng CENECO ang kanilang mga generator para mapunuan ang deficiency.

Dagdag pa ng CENECO, nagpalabas daw ng unified stand ang lahat ng electric cooperative sa Panay at Negros na itinuturo ang NGCP na pinag-uugatan ng problema.

Sa pakikipagusap ni Tulfo sa DOE at ERC, sinabihan niya ito na gumawa ng malalimang imbestigasyon kung ano talaga ang totoong nangyari sa Panay at Negros, at sino ang may pagkukulang para maiwasan na muling maulit ito hindi lamang sa Panay at Negros kundi sa iba pang parte ng bansa.

Sa ngayon, patuloy na nakamonitor ang team ni Tulfo sa mga kaganapan.