Calendar
Tulfo: Silipin mga lumubog na oil tanker sa Bataan, baka ‘pahigi gang’
NAIS ni ACT-CIS Representative at Deputy Majority Floor Leader Erwin Tulfo na silipin din ng Department of Justice (DOJ) ang anggulo na ang mga lumubog na oil tanker noong kasagsagan ng bagyong Carina at Habagat ay maaring sangkot sa “paihi” ng langis.
Maging si Justice Secretary Crispin Remulla kasi ay naniniwala na magkakasama ang tatlong lumubog na barko sa isang iligal na gawain.
Ani Remulla, hindi raw aksidente kundi krimen ang nagawa ng mga nasabing kumpanya ng barko matapos itong makipagpulong sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard.
Ayon pa kay Cong. Tulfo, “Matagal ng gawain itong “paihi” sa lugar na yan para makaiwas sa pagbabayad ng buwis sa Bureau of Customs (BOC) ang ilang tusong oil importers “.
“Habang naka-angkla sa laot at malayo sa mata ng mga otoridad ang mga oil tanker galing sa ibang bansa, tatabihan ng mga local oil tankers natin, tulad ng mga lumubog na barko na yan, para ilipat ang kargang langis sa kanila”, paliwanag ni Cong. Tulfo.
Dagdag pa ng mambabatas, “At kapag na-load na ang mga imported na langis sa maliliit na tanker, derecho na ito sa iba’t-ibang pier sa bansa… entonces libre na talaga ito sa pagbayad ng buwis sa BOC”.
Matatandaan na magkasunod na lumubog ang motor tankers na MT Terranova at MT Jayson Bradley sa Limay at Mariveles, Bataan noong kasagsagan ng Habagat noong Hulyo.
Pagkalipas ng ilang araw ang MV Mirola 1 naman sumadsad sa Mariveles, Bataan.
Ayon pa kay Tulfo, “Bakit hindi sila sumilong muna gayong masama na ang panahon….kasi nga marahil iligal ang kanilang karga”.
“At kung mapatunayan ng mga otoridad na iligal ang kanilang lakad ng lumubog ang mga barko, kasuhan at ikulong ang lahat ng sangkot dyan”, pahayag ng mambabatas.
Aniya, marami na naman ang mawawalan ng hanapbuhay at milyon-milyon na naman ang gagastahin ng pamahalaan sa clean up opertion dahil sa oil spill.