Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Tulungan pamilya ng nasawi, nasugatang sundalo sa bakbakan sa Lanao del Norte

Mar Rodriguez Feb 25, 2024
134 Views

PBBM inatasan si Speaker Romualdez

BILANG tulong sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inanunsyo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng anim na sundalong nasawi sa pakikipagsagupaan sa teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Maute sa Lanao del Norte noong Pebrero 18.

Binanggit ni Speaker Romualdez ang direktiba ng Pangulo sa pagharap nito sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sultan Kudarat kung saan inilungsad ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair nitong Linggo.

“Nais kong magbigay pugay sa ating magititing at matatapang na sundalo na nakipaglaban sa isang engkwentro sa Lanao del Norte. As instructed by President Ferdinand R. Marcos, Jr. at bilang pasasalamat sa serbisyo at sakripisyo ng apat na sugatan at anim na nasawing mga bayani, tayo’y magbigigay ng cash assistance, educational at livelihood assistance para sa kanilang mga pamilya at mga anak,” ani Speaker Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez na nagpakita ng natatanging tapang at dedikasyon ang mga nasawing sundali na nagbuwis ng kanilang buhay upang maipagtanggol ang bansa laban sa Dawlah Islamiyah-Maute terrorist group.

“Ginawa nila ito para gampanan ang tungkulin na sa pagpapanatili ng ating pambansang seguridad at kapayapaan,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ayon sa mga ulat, apat pang sundalo ang nasugatan sa pakikipagbakbakan ng 44th Infantry Batallion sa mga teroristang grupo sa Barangay Ramain, Munai, Lanao del Norte.

“Ang mga hakbang na ito ay patunay sa pasasalamat at pangako ng bansa sa kagalingan ng ating mga tauhan ng militar at ng kanilang mga pamilya. Kinikilala natin ang malalim na sakripisyo ng ating mga sundalo para tiyakin ang ating kaligtasan at kalayaan. Nararapat lamang na suportahan natin sila at ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng pangangailangan,” wika pa ni Speaker Romualdez.

“Taos-puso tayong nakikiramay sa mga pamilya nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC Arnel Tornito, Pvt Micharl John Lumingkit, at Pvt James Porras. Dagdag pa rito, nais natin ng mabilis na paggaling sa mga sugatang bayani, sina Corporal Jaymark Remotigue, PFC Marvien Aguipo, Pvt Amiril Sakinal, at Pvt Nazareno Provido,” dagdag pa nito.

“Nananatiling matatag ang pamahalaan sa pagtulong sa ating mga tropa at kanilang mga pamilya. Sama-sama nating parangalan ang mga sakripisyo ng ating mga sundalo at ipangako na ipagpatuloy ang ating walang na suporta para sa kanila,” sabi pa ng lider ng Kamara.