Calendar
![Suspek](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Suspek-3.jpg)
Tumakas sa checkpoint sumemplang, 2 holdaper timbog
NASAKOTE ng mga pulis ang dalawang suspek sa panghoholdap nang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo sa pagtakas sa mga pulis na humahabol sa Makati City noong Linggo.
Hinabol sina alyas Raymund, 32, at alyas John Robert, 29, ng hindi huminto matapos parahin dahil sa pagpasok sa one-way street sa Malugay St. Brgy. San Antonio dakong alas-5:00 ng umaga.
Dahil sa pagmamadali, sumemplang ang motor ng mga suspek at nakumpiska ang dalang kalibre .38 revolver, apat na bala, isang pen gun na kargado ng bala, isang pick lock, pliers at ang gamit na motorsiklo.
Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena, suspek sa panghoholdap sa Valero Access Road 3, Brgy. Bel Air bandang alas-6:00 ng gabi noong Sabado ang naarestong mga suspek.
Kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Omnibus Election Code, pagdadala ng picklocks at iba pang gamit sa pagnanakaw at disobedience to person in authority ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek.