Barbers

Tumang posibleng ma-contempt ng Kamara de Representantes – Barbers

Mar Rodriguez Oct 14, 2023
206 Views

NAGBABALA ang Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers na maaaring maharap sa kasong “contempt” mula sa Kamara de Representantes si dating Mexico City, Pampanga Mayor Teddy Tumang.

Sinabi ni Barbers na ang kasong “contempt” na isasampal o ipapataw ng Kongreso laban kay Tumang ay kaugnay sa pagli-leak nito sa mga impormasyong pinag-usapan sa loob ng “closed door session” ng Committee on Dangerous noong nakaraang linggo.

Binigyang diin ni Barbers na alinsunod sa alituntunin ng Kamara de Representantes. Mahigpit na ipinagbabawal aniya ang pagli-leak ng anomang impormasyon na pinag-usapan sa loob ng isang closed door session o executive session”. Kung saan, ang sinomang lumabag dito ay papatawan ng karampatang kaparusahan.

Dahil dito, nabatid ng People’s Taliba kay Barbers na muli nitong ipapatawag si Tumang sa kaniyang Komite sa susunod na pagdinig patungkol naman sa nasamsam na mahigit 500 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng 3.6 billion sa isang warehouse sa Barangay San Jose Malino sa Mexico City, Pampanga.

“Executive session iyon at ang napag-usapan ay tungkol sa sa nasabing droga na nasabat at ang mga sirkumstansiya sa pagkaka-diskubre ng 560 kilos ng shabu at operational details ay isang confidential in nature. Wala ditong pinag-usapan tungkol sa politika,” paliwanag ni Barbers.

Ipinabatid naman ni House Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D.Vargas na ang mga “resource person” na ipinapatawag at dumadalo sa mga pagdinig ng Kongreso ay kailangang paalalahanan na hindi nila dapat i-leak o “i-maritess” ang lahat ng mga bagay na pinag-usapan sa loob ng “executive session” sapagkat ito aniya ay “strictly confidential”.

Binigyang diin ni Vargas na napaka-selan umano ang mga bagay na tinatalakay sa loob ng isang “executive session” kung kaya’t walang karapatan ang sinoman na magkuwento ng mga bagay na pinag-usapan sa loob ng “closed door session”.

Ayon kay Vargas, maaaring ang nakataya dito ay ang ‘national security” ng Pilipinas kaya napakahalagang maunawaan ng mga resource person na hindi nila basta-basta dapat ikinukuwento sa ibang tao ang mga bagay na napag-usapan sa loob ng isang “executive session”.